Pambihirang performance ang isinalang ni John “Irrad” Abarquez sa kaniyang season debut para sa RSG Slate Philippines sa MPL Philippines Season 11. Nagpamangha ang 19-year old pro sa kaniyang pagbabalik sa pros pagkatapos tulungan ang Raiders na paamuhin ang Nexplay EVOS, 2-0, para gawing solido ang kanilang posisyon sa fourth place sa regular season rankings.
At bagamat kinulang kontra ECHO, ipinakita ng MDL-standout na kaya niyang makipagsabayan sa kalibre ng World Champions matapos yakagin ang kaniyang hanay sa game two tagumpay para makasulot ng isang puntos sa pagtatapos ng regular season.
Dahil dito, hinirang na MPL Player of the Week at Razer-Gold Player of the Week ang RSG jungler, ang unang player na galing MDL na nakakuha ng nasabing parangal.
Sa panayam kasama ang media, hindi itinago ni Irrad kung gaano kahalaga ang kaniyang karanasan sa developmental league, at kung paano ito nakatulong sa kaniyang pagbabalik sa pro league.
Irrad ikinuwento ang karanasan sa MDL, pakiramdam matapos makabalik sa pros
Pagkatapos itulak ang kaniyang team papunta sa 2-0 kontra sa NXPE, nagkaroon ng pagkakataon ang media na makausap si Irrad para alamin ang kaniyang pakiramdam sa kaniyang pagbabalik sa MPL PH, gayundin ang naging karanasan niya bilang angkorahe ng RSG Ignite.
“Normal lang din po kasi last season alam kong reserve player lang ako tapos binigyan ako ng chance mag-laro. Yung na-feel ko ngayon, parang same lang as dati ganun. Alam ko lang yung ambiance ngayon ng stage kaya medyo nakakalaro po ako nang maayos,” tugon ng pro na nagsalang ng dalawang MVP performances para papurulin ang mga pangil ng White Tigers.
Samantala, malaking bahagi daw kung bakit kumportable siya sa kaniyang play ay ang kumpiyansa na nakuha niya mula sa karanasan sa MDL team ng RSG Slate.
“Nung una kasi ‘di ko matanggap na MDL lang ako kasi yun nga, nakakuha ako ng magandang exposure sa MPLI tapos bumaba ako ng MDL and ayun, parang na-motivate talaga ako kasi sobrang nag-breakdown talaga ako sa nangyari sakin. Tapos binigay ko lang yung best ko sa MDL tapos ‘di ako natatakot magkamali kasi may sarili akong mindset na kapag takot kang magkamali, mahina kang player.”
Ikinuwento din ni Irrad ang ilang detalye sa usapan nila ng head coach ng team na si Brian “Coach Panda” Lim bago mailagay sa MDL.
“Basta sinabi niya sakin nung time na yun… kasi ano e, nung inannounce na MDL lang ako tapos MPL si H2, hindi ko matanggap sa sarili ko. Kinausap niya [Coach Panda] ako ng 1v1 tapos yung huli niyang sinabi sakin, dalawa lang daw yung pagpipilian ko.”
“I have two choices kung gagalingan ko lalo or magiging wala akong kwentang player,” dagdag ng pro.
Mukhang nagbunga naman ang real talk na ibinigay ni Coach Panda sa kaniyang jungler dahil pasabog ang isinalang na paly ni Irrad para bigyan ng momentum ang RSG papunta sa postseason.
Inaasahan na sa darating na playoffs ay muling maipapakita ni Irrad ang pambihira niyang mechanical skills para matulungan ang Raiders na makaabante sa matarik na kumpetisyon.
Sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa iba pang balita ukol sa MPL PH!