Isinemento ng RSG Slate SG ang kanilang pangalan bilang pinaka-dominanteng koponan sa liga matapos muling makalawit ang kampeonato sa gumulong na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore Season 5 (MPL SG Season 5) Grand Final.
Sa proseso, nakami na ng RSG ang ikatlo nilang titulo sa tatlong magkakasunod na seasons, ang una at bukod-tanging koponan sa rehiyon na nakagawa nito sa kasaysayan.
RSG Slate SG itinumba ang Team Flash sa MPL SG S5 Grand Final
Hindi madali ang tinahak na landas ng RSG Slate SG para makuha ang kampeonato sa MPL SG Season 5 dahil sa tikas na ipinakita ng Team Flash na unang pagkakataon na makasabak sa grand final sa limang seasons.
Kapanapanabik ang gumulong na bakbkan sa pagitan ng dalawang teams ngunit nanaig ang mechanics at mastery ng defending champions, partikular na si Okky na naghalimaw hawak ang Wanwan at Beatrix. MVP ng laro ang gold laner ng RSG na pumukol ng 8/3/3 KDA para kuhanin ang momentum ng serye.
Sorpresa man ang three-tank lineup na isinalang ng Team Flash sa ikalawang mapa, hindi nila nagawang pigilan ang RSG Slate SG na kinuha ang kanilang comfort picks. Pasabog ang Evolved Lord steal ni Brayden “BRAYYY” Teo sa nasabing laro para yakagin ang kaniyang hanay pabalik sa kalamangan at kalaunan ay makuha ang 2-0 lead.
Pagdako ng ikatlong laro, ipinagpatuloy ni Okky ang kaniyang dominasyon sa gold lane kung saan nakakuha siya ng Maniac, bago makalawit ang Savage para tuluyang itulak ang RSG Slate SG sa match point.
Tinangka ng Team Flash na pahabain ang serye nang makuha nila ang tamang timpla sa game four para ibaling sa 3-1 ang series. Gayunpaman, hindi nakapalag ang mga ito ng isalang ng kalaunan ay 3-time champions ang kanilang high-damage lineup para ipako ang serye sa dominanteng 4-1.
Hindi lamang ang malaking bahagi ng SG$100,000 prize pool ng MPL SG S5 champions kundi ang pagkakataon na maging kinatawan ng Singapore sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) sa Hunyo.
Sundan ang pinakahuli sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!