Kapag usapang gold laner, isa sa mga nangungunang pangalan sa listahan ng pinakamahuhusay si Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega.
Sa ilang taong pagiging Mobile Legends pro player, maraming beses nang pinatunayan ni Kelra ang kanyang galing at pagiging matinik sa gold lane, lalo na nang manalo ang kaniyang koponan sa MLBB South East Asia Cup 2021 (MSC 2021). Dahil sa kaniyang pagiging bihasa sa kaniyang role, binansagan rin siyang “The Gold Standard” sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Opinyon ni Kelra tungkol sa mga players ng Blacklist
Sa isa sa mga nakaraaang stream sa kanyang YouTube channel, ibinahagi si Kelra sa kanyang mga followers ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga pro players na batay sa kanyang karanasan.
Sunod-sunod ang mga tanong mula sa mga viewers kung saan hinihingi ng mga fans ang propesyunal na opinyon ng Smart Omega gold laner.
Isa sa mga viewers ang nagtanong ng kanyang palagay kung gaano kahirap maging kalaban sa laning ang kasalukuyang gold laner ng Blacklist Academy na si Kiel “OHEB” Soriano. Bilang tugon, sinabi niyang nadadalian siyang katapat ang Filipino Sniper kumpara sa ibang players na may parehong role.
“Medyo madali siya ka-lane eh, kumpara sa ibang gold lane,” sabi ng Gold Standard. “Baka sabihin nagyayabang ako, sinasabi ko lang yung totoo.”
Karugtong ng pahayag na ito, pinuri naman niya ang dalawang players ng Blacklist na sina Kenneth Carl “Yue” Tadeo at Edward “EDWARD” Dapadap at sinabing sila lang ang malakas sa mga kampeon ng M3 World Championship.
“Mid lang naman kasi malakas sa Blacklist, pati si Edward.”
Nagbigay ng reaksyon ang isa sa mga viewers sa pahayag na ito at tinawag pa itong “realtalk”. Dahil dito ay nagpaliwanag ang MSC champion at nilinaw na hindi ibig sabihin nito ay mahihina ang ibang mga players ng Blacklist.
“Hindi naman. Malakas naman silang lahat, pero parang ayun lang (Yue at EDWARD) ang nagdo-dominate sa kanila.”
Makakaharap ng Smart Omega ang Blacklist International sa unang series ng MPL PH Season 11 playoffs na gaganapin sa May 4 hanggang 7.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.