Bagamat maraming gold laners ang nagpapabilib sa gumugulong na MPL Philippines Season 11, nangingibabaw ang pangalan ni Marco “Super Marco” Requitano bilang isa sa pinakamagagaling partikular na sa ikalimang linggo ng regular season dahilan para gawaran siya ng ikalawa niyang Razer Gold-MPL Philippines Corps Player of the Week award.
Super Marco itinanghal na MPL PH Press Crops POW sa Week 5
Sa naturang week, susi ang play ni Super Marco para mapahaba ng Bren Esports ang kanilang win streak sa walong panalo.
Kontra sa M4 World Champions ECHO, nagpamangha ang gold laner hawak ang kaniyang Claude at Karrie para biguin ang Purple Orcas sa seryeng nagtapos sa 2-1.
Ngunit hindi dito naputol ang magilas na performance ng 17-anyos na pro. Katapat ang makamandag na Smart Omega, pasabog ang isinalang ni Super Marco para baliktarin ang tangkang pagwawalis ng mga pambato ng Baranggay.
Lubog sa 0-1, hinawakan ng Bren pro ang kaniyang Beatrix at katuwang sina Rowgen “Owgwen” Unigo at Michael “KyleTzy” Sayson ay binuwag nila ang late game ng Omega para pagulungin ang reverse sweep at itala ang 8-1 kartada matapos ang Week 5.
“Ano lang po siguro sa instinct ko. Tsaka hindi ko alam e, hindi ko alam kung paano ko nagagawa iyan, pinipindot ko lang yung joystick ko,” ani ni Super Marco, na pumukol ng average 5.17 kills at 5.33 assist sa kabuuan ng linggo.
Naangatan ni Super Marco para sa Player of the Week award ang kapwa Bren Esports pros na sina Angelo Kyle “Pheww” Arcangel, Owgwen, and KyleTzy, kasama na din sina Edward “EDWARD” Dapadap ng Blacklist International at Tristan “Yawi” Cabrera ng ECHO.
Si Super Marco na parehong pro na nanalo ng parangal sa Week 2, ay nakatakdang makatanggap ng pangalawa niyang Razer Blackshark V2 galing sa Razer Gold.
Ang lingguhang parangal ay pinagbobotohan ng print at online media na nag-uulat ukol sa MPL PH gayundin ang broadcasters at operations team ng liga.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli ukol sa MPL PH.
BASAHIN: Ganito daw na-outplay ni KyleTzy ang Tankcelot sa krusyal game 3 kontra Smart Omega