Si Ben “Benthings” Maglaque ang hinirang na Razer Gold- Player of the Week para sa Week 6 matapos yakagin ang kaniyang TNC Pro Team ML sa higanteng upset kontra sa nagbabagang Bren Esports, 2-1, para manatiling buhay ang kaniyang hanay sa karera sa top 6 teams na aangat papunta ng MPL Philippines Season 11 playofffs.


Benthings, TNC sinorpresa ang Bren Esports

Credit: Moonton

Walang nag-akala na ang TNC Pro Team ML, ang isa sa mga koponang nasa laylayan ngayong regular season, ay magagawang tumindig sa harap ng numero-unong Bren Esports sa ikalawa nilang pagtatagpo sa MPL Philippines Season 11 regular season.

Bago gumulong ang serye, nakapako sa dismayadong 1-9 ang record ng Phoenix Army at nanganganib na matanggal sa karera papunta sa playoffs sa ikalawang sunod na season. Samantala, nagbabaga ang atake ng M2 World Champions na nakuha ang ika-siyam nilang sunod na tagumpay – ang pinakamahabang streak sa kasaysayan ng franchise – paraan para maselyo nila ang tiket papunta sa postseason.

Credit: Moonton

Ngunit gaya na lamang ng isang Phoenix, bumangon mula sa mga abo ang TNC para mapagulong ang isa sa pinakamalaking upset sa Season 11 pagkaraang kumpletuhin ang 2-1 tagumpay kontra sa mga pambato ng The Hive.

Tampok sa malupit na upset win ang romaer na si Ben “Benthings” Maglaque na itinanghal na MVP of the Game sa game one at game three ng serye. Nagtapos ang TNC co-captain sa 10 assists kontra 2 deaths sa opener bago pumukol ng 10 assists kontra 4 deaths sa decider.

Dahil dito, hinirang na Razer Gold- MPL Philippines Press Corps Player of the Week si Benthings para  sa Week 6. Nakatakda siyang makatanggap ng isang Razer Blackshark V2 mula sa Razer Gold.

Umaasa ang 27-anyos na romaer na masisindihan ng panalong ito ang kampanya ng TNC papunta sa playoffs. Ang TNC, na naunang nagapi ng RSG PH sa 2-1 bago makasilat kontra Bren, ay kasalukuyang nasa must-win situation sa 2-9 kartada.

“Sobrang halaga yung game na ito, hindi lang para makapunta kami ng playoffs. In preparation din sa mga susunod na season,” kuwento ni Benthings.

Credit: Moonton

“Kumbaga, hindi kami nawalan ng pag-asa na makapasok ng playoffs, kaya ginagawa namin yung best namin,” dagdag niya.

Nahigitan niya ang two-time Season 11 POW na si Marco “Super Marco” Requitano ng Bren Esports, si Benedict “Bennyqt” Gonzales at Sanford “Sanford” Vinuya ng ECHO, pati na rin si Edward “EDWARD” Dapadap ng Blacklist International.

Ang Player of the Week gantimpala ay pinagbobotohan ng print at online media na nag-uulat ukol sa MPL PH, kasama ang broadcasters at operations team ng liga.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa iba pang mga balita tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: MPL PH S11 Week 6 Day 3 Recap: TNC kinuha ang upset kontra Bren, ONIC PH winalis ang NXPE