Matapos ang Week 6 ng MPL Philippines Season 11, nag-apoy ang diskusyon ukol sa naganap na palitan sa pagitan nina Carlito “Ribo” Ribo Jr. at Danerie “Wise” Del Rosario sa kani-kanilang panayam kasama si Mara Aquino.
Nagsimula ito nang tanungin ng host ang Hall of Legend member at dating Bren Esports pro sa kaniyang opinyon ukol sa team na humina sa gumugulong na regular season. Dito inilista ni Ribo ang nasa laylayan na TNC Pro Team ML, bago sambitin ang pangalan ang hanay ni Wise.
“‘Di pero sa tingin ko ang humina ay Blacklist. Dati lagi silang top one eh. Ngayon lagi na silang tinatalo ng Bren o Omega o ECHO,” tugon ng beterano na kilala sa kaniyang diretsong pananalita.
Mas nagningas ang usapin nang ungkatin ng host ang saloobin ng Blacklist jungler tungkol sa komento. Pahayag niya sa post-match interview, “Okay lang. Matagal din naman kami nag-dominate bago kame humina. Tiyaka at least nasa MPL pa rin kame.”
Samu’t-saring pakahulugan ang natanggap ng sinabi ng dalawa na nagpagulong ng debate mula sa fans online. Gayunpaman, ang Blacklist coach na si Kristoffer “Coach BON CHAN” Ricaplaza, batid ang puno’t-dulo ng nasabing isyu.
Paghahanap ng hype ng fans ang rason sa umiiral na isyu sa pagitan nina Wise at Ribo ayon kay BON CHAN
Sa inilabas niyang YouTube video, Martes ng gabi, sinubukang himayin ni Coach BON CHAN ang binitawang mga salita ng dalawang Hall of Legends members. Wala naman daw siyang nakikitang mali sa sinabe ng mga ito, kaya naman ang M-World Series coach, naipunto ang rason kung bakit ganito na lamang ang patuloy na pag-init ng usapin.
“Yung mga fans, naghahanap talaga ng hype. Kita niyo ngayon, naging mainit yung dancefloor kasi nakakita sila ng puwedeng pagkaabalahan,” banggit niya.
Dagdag pa ng tubong-Bataan, nakahanap daw ang mga miron ng maaaring kasabikan. “Kung may team lang si Ribo diba, tapos naglaban yung Blacklist at team ni Ribo, hype talaga ‘yon. Maraming viewers.”
Gayunpaman, inamin ng coach na hindi daw dapat sisihin ang mga manonood kung bakit ganito na lamang sila kauhaw sa mga ganitong usapin.
“So nag-jump nako sa conclusion na kaya nangyare ‘yon dahil sa mga fans na binigyan nila ng meaning. And then bakit nila binigyan ng meaning? Iyon ay dahil naghahanap sila ng hype gaya ng dati alam niyo ‘yon noong nandoon pa si Dogie, si Wrecker,” paliwanag ni BON CHAN bago sundutan ng panawagan sa MPL PH upang mapaigting ang pananabik ng fans sa panood sa liga sa mabuting pamamaraan.
Sa kasalukuyan, nauna nang magpaliwanag ang dating Bren Esports gold laner sa kaniyang komento sa inilabas na ulat ng Spin.PH. Samantala, tikom ang bibig ni Wise at ng Blacklist International tungkol sa isyu.
Manatiling nakatutok sa mga kaganapan sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Si EDWARD ang manok ng V33Wise na maihalal sa Hall of Legends ngayong MPL PH S11