Kasabay ng paggulong ng prestihiyosong M4 World Championship sa unang araw ng 2023, mayorya ng mga kalahok sa prestihiyosong Mobile Legends event ay napuwersang lumiban sa mga pagdiriwang ng kani-kanilang holiday celebrations. Kabilang dito ang Blacklist International duo na sina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario.
Bago pa man opisyal na magsimula ang M4 ay kinailangan na ang dalawa na lumipad papunta ng Indonesia para tumulong sa preparasyon ng Moonton. Sa katunayan, December 17 pa lamang, ilang araw makaraang lumahok sa IESF 14th World Esports Championship, abala na ang V33Wise duo sa Jakarta.
Gayunpaman, tiwala sina OhMyV33NUS at Wise na parte ito ng kinakailangang sakripisyo para makamit ang kanilang itinakdang layunin sa unang bahagi ng taon.
OhMyV33NUS, Wise batid ang sakripisyong kaakibat para mapagtagumpayan ang M4
Matapos iwang maligamgam ang Incendio Supremacy para pagulungin ang kanilang kampanya sa Group Stage, hinarap ng Blacklist tampok sina OhMyV33NUS at Wise ang media para sumagot sa ilang katanungan tungkol sa kanilang karanasan sa pagbubukas ng M4.
Sa tanong ukol sa pagiging malayo nila sa kanilang pamilya sa gitna ng selebrasyon, kinakailangan daw ng angkop na mindset para manatiling pokus sa layunin, ani ni Wise.
“It’s about the mindset. Because if [when] I’m experiencing holiday in the Philippines, we don’t have M4 and now we have M4, so we didn’t have the chance to celebrate in the Philippines. My family will understand, we will see them [after],” kuwento ng pamosong jungler.
Ka-linya ito ng tugon ni OhMyV33NUS tungkol dito. “Sa ‘kin it’s all about passion talaga e. If your dream is to become a world champion, if you have a bigger goal, you need to have a bigger sacrifice,” aniya.
Hindi nagpatumpik-tumpik ang V33Wise duo na buksan ang daan papunta sa inaasam nilang top spot sa Group A. Maagang inapula ng defending champions ang mga taga-Turkey sa likod ng Kaja ng Blacklist roamer na pumukol ng 7 assists kontra sa 4 deaths.
Samantala, ipinamalas naman ni Wise ang henyo ng kaniyang jungler Valentina na pumukol ng perpektong 3/0/6 KDA para hiranging MVP of the Game.
Susunod na makakaharap ng Blacklist sa Group A ang Pinoy-coached teams na BURN x FLASH ni Michael “Zico” Dizon at Falcon Esports ni Steve “Dale” Vitug.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa M4.
BASAHIN: ‘Sobrang magwawala’ si ECHO Bennyqt sa M4, sabi ni Coach Trebor