Pagtungtong ng game four ng MPL Philippines Season 10 Grand Finals, natagpuan ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at ng kaniyang Blacklist International ang kanilang mga sarili sa dehadong sitwasyon. Inasahan nila na pagkaraang makuha ang opening game ay magagawa nilang diktahan ang tono ng mga susunod na laro sa inantabayanang serye.

Gayunpaman, ibang tugtugin ang sinabayan ng ECHO sa mga sumunod na mapa sapagkat huni ng mga Orcas ang nanaig sa games two at three. Ito ay matapos kumumpas ni Tristan “Yawi” Cabrera ng dalawang MVP performances hawak ang off-meta picks na Valir at Jawhead na epektibong sumipa sa koponan ng The Queen sa 1-2 bangin.

Credit: MPL Philippines

Sa post-game press conference, inamin ni OhMyV33NUS na malaking pagsubok ang ibinigay sa kanila ng ECHO pagdating sa hero pick at bans sa unang tatlong laro. Wala daw nakahanap ng kinakailangan nilang adjustment sa drafting phase.

Iyon ay liban na lamang kay Danerie “Wise” Del Rosario na sa huli ay ang miyembro na magbibigay sa kanila ng draft call para makalawit ang krusyal na game four, at magbabaling ng daloy ng serye.


Prayoridad sa hero ni EDWARD suhestiyon daw ni Wise ayon kay OhMyV33NUS

Credit: MPL Philippines

Sa panayam kasama ang media, ikinuwento ng The Queen ang karanasan ng kaniyang team sa nasabing laro. Aniya, “Medyo masakit sa ulo nung 2-1 kami siguro. Ang taas lang ng level ng mental fortitude namin lahat kaya kahit 2-1 kami talagang sobrang composed, pero for me one of the biggest reason kung bakit kami naka-comeback ng Game 4 is yung isang bagay na si Wise lang yung nakakita.”

Pagtutuloy ni OhMyV33NUS, “Even ako or yung ibang players, even yung analysts and coaches namin di nakita yung bagay na iyon, and ‘yun yung sinabi ni wise na i-high pick natin yung Benedetta and  i-sacrifice na lang natin yung hero ko,”

Credit: MPL Philippines

Banggit pa ng kapitan ng dekoradong team, taliwas daw ito sa inihanda nila para sa ECHO kung saan maaga nilang kukuhanin ang hero ng kanilang jungler.

“Pero bigla nalang sinabi ni Wise na i-high pick na lang natin yung hero ni Edward and then ako na yung magiging sacrifice. And yung sacrifice na iyon yung isa sa mga importanteng bagay kung bakit kami nag-champion ngayon and nakakuha kami ng momentum.”


Kaharap ang posibilidad na matisod sa mas matarik na 1-3 ay nanatiling kumpiyansa ang Blacklist na tumugon sa tawag ng kanilang Agents. Tumindig ang BLCK para kuhanin ang krusyal na game four, salamat sa pambihirang Benedetta ni Edward “EDWARD” Dapadap.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pinatahimik ni Agent Zero ang ECHO na kinontrol ang EXP lane katapat ang kasing-tikas na Uranus ni Sanford “Sanford” Vinuya, bago maglabas-pasok ng team fights para guluhin ang posisyon ng Orcas sa mapa. Pumako ng epektibong 5/1/8 KDA si EDWARD papunta sa panalo, katuwang ng MVP of the game gantimpala.

Dahil sa kaguluhang dinala ng Benedetta ng Blacklist EXP laner ay natagpuan ng ECHO ang kanilang mga sarili sa makitid na drafting phase. Bagamat hindi na muli nahakawan ni EDWARD ang assassin ay dambuhalang Uranus at pamatay na Paquito naman ang ipinakita niya sa huling dalawang laro na lalaruin sa serye.

Credit: MPL Philippines

Kalaunan ay hinirang na Finals MVP ang 18-anyos na pro para maging kauna-unahang 2-time MVP sa MPL PH.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: #ReclaimTheCrown: Blacklist International ang kampeon ng MPL PH Season 10!