Sinigurado ni Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna na magbabalik ang Blacklist International sa dati nilang tindig pagkaraang kapusin sa tangka na maging unang back-to-back world champion sa M4 World Championship.
Inasahan ng mga miron ang makasaysayan sanang palabas, ngunit hindi nagawa ng defending champions na mahanap ang lunas sa kamandag ng ECHO na pinatumba sila gamit ang 4-0 sweep.
OhMyV33NUS sumulat sa mga taga-suporta, nagpasalamat at nangakong magbabalik
Ilang sandali matapos ang inantabayanang All-Filipino Grand Finals sa M4, naglabas ng makabag-damdaming sulat si OhMyV33NUS sa kaniyang Facebook kung saan pinasalamatan niya ang kaniyang mga taga-suporta, at inilahad ang dapat asahan sa koponan pagkatapos ang pagakbigo.
“Ngayon palang nagsi-sink in yung mga nangyari at itong pakiramdam na ‘to, sobrang pamilyar sakin. Yung feeling na gusto mong umiyak pero wala nang luha na lumalabas,” sulat ng The Queen, na bago makuha ang kaniyang unang kampeonato sa MPL PH ay makalawang ulit munang nadapa sa Grand Finals.
Pagtutuloy ng reigning MPL PH MVP, “Siguro nga dahil maraming beses na din kaming napunta sa ganitong point, at sa sobrang daming beses, parang manhid na ako.”
Pagkaraang magwagi sa M3 World Championship noong 2021, pinagdesisyunan ni OhMyV33NUS kasama ng katambal na si Danerie “Wise” Del Rosario na magpahinga muna sa MPL Philippines Season 9 bilang paghahanda sa tangka nilang makalawit muli ang word title sa M4.
Pasabog ang ginawa ng V33Wise Duo sa kanilang pagbabalik sa Season 10 para buksan ang kanilang makasaysayang kampanya. Sinagasaan ng power duo ang kumpetisyon para marating ang Finals kung saan itinumba nila ang ECHO para makuha ang ikatlo nilang tropeyo katuwang ng tiket pabalik ng world stage.
Hind nagpatumpik-tumpik ang koponan ng Tier One na tinahak ang matarik na Upper Bracket patungong Grand Finals, ngunit taliwas sa inaasahan, natagpuan nila ang nagbabagang ECHO team na hawak ang lunas sa kanilang UBE strat na sinagasaan sila sa apat na laro.
Dito man humantong ang kanilang M4 kampanya, malaki pa rin ang pasasalamat ni OhMyV33NUS sa mga sumuporta sa kanilang tahakin.
Aniya, “Pero despite of all these things, I still feel blessed dahil sa sobrang daming taong sumuporta sa amin, hindi lang sa Pilipinas, pati na din sa buong mundo, lalo yung mga nagpunta dito sa Indonesia at talagang nakipag-beklaban ng malala sa fans ng ibang team.”
Nangako rin ang kapitan ng Blacklist na hindi pa rito nagtatapos ang kanilang tahakin bilang isang pangkat. “Grace under defeat. With this, I will make sure that we will come back stronger than ever. And again, this is still not the last of us.”
I-liket at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines.