Tiniyak ng Nexplay EVOS na taas-noo silang bababa sa entablado ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) matapos ang huling laro nila sa ika-11 season nito bilang rookies.
Sinelyo kasi nila ang reverse sweep kontra Blacklist International matapos nila itong pangibabawan noong ikalawang mapa, na nagtapos nang may 17-1 na kill score, pati na rin sa game three, sa pangunguna ng Lesley ni Jan Dominic “DomengDr” Del Mundo.
Tila paalala ang naging performance ng Nexplay EVOS kung bakit sila binansagan bilang ‘Amateur Kings’ noong kinikilala pa sila bilang Minana Esports. Paulit-ulit din sinabi ng koponan kung paano naging susi sa kanilang tagumpay ang paglalaro nila ng sarili nilang laro, na tila napansin din ng kapitan ng Blacklist International na si Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.
- Coach Panda inaming hindi pa handa ang RSG Slate PH sa MPL PH S11 playoffs
- Bakit hindi kinailangan ng Bren Esports ang Estes ban kontra Blacklist?
Banoobs, ikinwento ang pag-uusap nila ni OhMyV33nus matapos ang tagumpay ng Nexplay EVOS kontra Blacklist International
Nang suriin pa ang mga dahilan kung paano nga ba nila natalo ang defending champions ng liga, ibinahagi ni Julius “Banoobs” Mariano ang naging pag-uusap nila ni OhMyV33nus matapos ang serye.
“Kinamayan ko si V33nus… tapos sinabi niya ‘finally boss,’ lumabas na kung papaano nila nakilala ‘yung minana before, kasi parang ngayon lang namin nailabas talaga, kung kailan huli na, ‘yung tunay na laro kasi kahit anong galing ng player, basta first time niya sa ganitong stage… iba ‘yung vibe,” kwento nito.
Kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga hero na nilaro ni Bien “BoyetDr” Chumacera sa serye kontra Codebreakers. Kadalasan kasi, utility jungler tulad ng Fredrinn, Akai, at Karina ang kanyang ibinibida sa mga laban, pero sa pagkakataong ito, naglabas siya ng mga malilikot na hero—Fanny noong unang mapa, Joy noong ikalawa, tapos Hayabusa noong ikatlo.
Paliwanag naman ng coach ng Nexplay EVOS na si Joshua “Coach Josh” Alfaro, mas matagumpay daw ang koponan sa scrim ‘pag gumagamit si BoyetDr ng mga utility junglers kumpara sa mga Assassin kaya’t gayun ang madalas niyang gamitin sa liga.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin nitong hindi ibinigay ng Nexplay EVOS ang lahat ng kanilang makakaya sa serye kontra kasalukuyang kampeon ng MPL Philippines, at alam nilang gayun din ang kanilang kalaban.
“Lumaban talaga ‘sila nang patas. Professional talaga ‘yung Blacklist International kitang-kita namin na lumalaban sila nang patas sa amin, na hindi kami in-underestimate, hindi rin namin sila in-underestimate at dinoble namin yung pursige namin para manalo this series,” ani Coach Josh.
Samantala, nakatakda namang ituloy ng Blacklist International ang kanilang kampanya sa playoffs ng MPL PH Season 11 kontra Smart Omega sa play-ins.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: BLCK vs OMG sa MPL PH Season 11 playoffs sementado na