Pumutok kamakailan ang balitang nagkaroon ng isyu sa ginagamit na devices ang SIBOL MLBB sa kanilang kampanya sa IESF 14th World Esports Championship. Ito ay makaraang manawagan si Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa social media para sa mga maaaring magpahiram ng nasabing phones sa kaniyang team para makapagsanay sa mga susunod nilang matches.
Kasunod ito ng panggugulantang ng Team Indonesia sa mga kinatawan ng Pilipinas, 2-0, dahilan para maitulak sila sa makitid na lower bracket ng international patimpalak.
Ilang araw makalipas ang ‘di inaasahang pagkabigo sa inantabayanang serye, inamin ng kapitan na si Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna kung gaano kalaking adjustment ang kinailangang gawin ng koponan para manatili sa kumpetisyon.
OhMyV33NUS sa Device Issue ng SIBOL MLBB: ‘Dumoble yung hirap’
Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, hindi itinago ng “The Queen” ang pinakamalaking balakid na sumambulat sa SIBOL MLBB sa pagbubukas ng IESF 14th WEC. Aniya, “Syempre, unang-una, mas dumoble yung hirap kasi ang ginagamit namin for practice is iPhone and then nagagamit lang namin yung Samsung sa [tournament] mismo.
Inamin niya na malaki raw ang epekto ng paggamit ng hindi pamilyar na phone units sa kanilang performance bilang grupo, saklaw na rin ang kaniyang individual performance. “Para sa akin yung adjustment, the difference, unang-una yung sa hawak ng phone. Kasi ako medyo maselan humawak ng phone”
Pagpapalawig ni OhMyV33NUS, “Eh iba yung edge niya kumpara sa ginagamit namin. So dun palang… medyo ma-awkward na kamay mo so yung movement mo naapektuhan.”
Marami rin daw na pagkakataon na nagkakaproblema siya sa pag-activate ng skills ng kaniyang hero. Kuwento niya, “Meron yung mga time na yung Lolita ko… napapa-dash ako kahit cinacancel ko na yung skill kasi ang laki din nung screen niya kumpara dun sa cellphone na ginagamit namin.”
Kasama na din daw na iniinda ni V33 ang bigat ng phone unit kung kaya’t kinakialangan niyang bigyan ng mas maraming phyiscal effort ang paggalaw sa kaniyang hero.
Pag-amin pa niya, “Nakakawala ng momentum yun. Yung parang alam mo g na g ka, g laban na, ‘tas parang biglang ang hirap pala.”
Bagamat patuloy na balakid ang naturang isyu, mistulang unti-unti namang nakakapag-adjust si OhMyV33nUS at ang kaniyang SIBOL MLBB dito. Matapos ang pagkabigo kontra Indonesia, tatlong sunod na sweeps ang inihain ng mga Pinoy sa mga nakatunggali, kung kaya’t napakalaki ng pasasalamat ng lider ng koponan sa mga nagpa-abot ng tulong sa kanila.
“Sa lahat ng nag-provide, ng nagpahiram- kasi nagpahiram sila ng Samsung S22 nila- super maraming maraming salamat.”
Sundan ang kampanya ng SIBOL MLBB sa IESF sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Paano naghahanda ang Blacklist sa M4 sa kabila ng IESF WEC 2022?