Matapos ang dismayadong kampanya sa MPL Invitational 2022 kamakailan, inamin ng kapitan ng Blacklist International na si Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna na mas matarik na ang kumpetisyon sa kasalukuyan.

Ayon sa The Queen, ito raw ay dahil malaki ang inilakas ng Mobile Legends koponan sa rehiyon, partikular na ang mga pambato ng Indonesia kung saan maraming Filipino imports ang nakahanap ng kani-kanilang tahanan.


OhMyV33NUS sa ID teams: ‘Talagang nag-improve sila sa Macro

Credit: ONE Esports

Nagkaroon ng pagkakataon ang ONE Esports Philippines na eksklusibong makapanayam si OhMyV33NUS para kamustahin siya tungkol sa aktibidad ng kaniyang team, katuwang na rin ang mga kaganapan sa gumulong na MPLI 2022.

Mababalikan na sa gumulong na internasyonal kumpetisyon, bigo ang kaniyang Blacklist International na malampasan ang Geek Fam ID ni Allen “Baloyskie” Baloy sa quarterfinals.

Hindi naman itinago ng bantog na esports pro na malaki ang pinagkaiba ng teams ngayon mula sa mga nakalaban nila sa nakaraan. Aniya, “Feeling ko malaki yung nilakas ng Indonesia simula noong kumuha sila ng import sa ‘Pinas.”

Credit: ONE Esports

“Kase parang nagagamit nila yung mga imports na ‘yon para ma-improve yung macro skills nila which is napakita ng ONIC and Geek Fam,” pagtutuloy ni OhMyV33NUS.

Hindi raw maitatanggi na lumawak ang kaalaman ng Indonesian teams, partikular na ang dalawang grand finalists sa MPLI 2022, sa macro o objective-style of play.

Matatandaan na bago magsimula ang MPL Indonesia Season 10, sumanib sa dalawang teams na ito ang mga piyesa mula sa M3 1st runner up na ONIC Philippines. Napunta sa hanay ng Yellow Hedgehogs ang utak ng ONIC PH na si Denver “Coach Yeb” Miranda, katuwang ang pamosong jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol.

Credit: ONE Esports

Samantala, natanggap naman ng Geeks ang serbisyo ng beteranong captain na si Baloyskie. Kasama din niya sa lineup ang dating ECHO jungler na si Jaymark “Janaaqt” Lazaro.


Si OhMyV33NUS, hindi itinanggi ang papuri na nararapat para sa mga kapwa niya Pinoy sa Mobile Legends eksena. “Siguro sa mga imports ngayon sa Indonesia, siyempre congratulations especially kay Kairi nakapag-champion, na nag-step up talaga.”

Credit: Baloyskie

Gayun din ang taas ng tingin ng The Queen sa nakatunggaling roamer sa MPLI 2022. “For me bagay talaga yung playstyle niya [Baloyskie]. Knowing Baloy din since naging ka-team ko rin siya before. And ayon, sobrang nag-improve din siya doon.”

Para sa iba pang eksklusibong content tungkol sa Mobile Legends, sundan lamang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Hindi raw seryoso ang Blacklist International sa MPLI 2022? Nagsalita si Aura High tungkol dito