Pinayanig ng fans ng RRQ Hoshi, na kolektibong tinatawag bilang “Kingdom”, ang Tennis Indoor Stadium Senayan para suportahan ang kanilang koponan laban sa Blacklist International sa upper bracket semifinals ng M4 World Championship.
Subalit sa huli, pinatahimik sila ng reigning world champion mula sa Pilipinas na pumihit ng 3-2 panalo sa napakadikdikang serye ng dalawa sa pinakamabigat na contenders sa torneo sa Jakarta, Indonesia.
Sa post-match press conference, ibinihagi nila Blacklist captain Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at gold laner Kiel “OHEB” Soriano ang kanilang saloobin sa nasaksihan nilang napaka-agresibong crowd nang harapin nila ang “King of kings” ng Indonesia.
OhMyV33nus: ‘Hindi naman kami naging world champion na matatalo kami dahil sa crowd’
Aminado si OhMyV33nus na napayanig ng Kingdom ang kumpyansa nila sa panimula ng serye.
“Actually, expected naman namin na magiging ganun ‘yung crowd. Isa ‘yun sa mga kailangan talaga naming kaharapin especially if we’re up against Indonesian teams, especially RRQ,” wika niya.
“Siyempre at first, sobrang intense talaga. And I think dahil do’n kaya kami natalo, it’s one of the major factors kung bakit kami natalo ng Game 1.”
Matapos ang pagkatalo sa unang laban, agad na naibalik ng Blacklist ang kanilang composure at focus sa paglalaro. Umabot ang serye sa deciding Game 5 pero nanaig pa rin ang championship poise ng Codebreakers.
“Pero siyempre, hindi naman kami naging world champion na matatalo kami dahil sa crowd,” saad ni “The Queen”, na nahawakan ang kanyang signature Estes nang apat na beses.
“Moving forward, it’s a very good experience.”
Ginanahan ang Blacklist International dahil sa crowd, ayon kay OHEB
Para naman kay gold laner Kiel “OHEB” Soriano, ginanahan sila dahil sa mga miron, lalo na sa mga nang-aasar sa kanila.
“The crowd excites us and it’s more fun to win so you can shout at the crowd, especially the ones who trash talk us,” pahayag niya. “It’s very fun and thrilling. It motivates us so much.”
Kitang-kita ang gigil ng M3 MVP sa Game 2 kung saan tumikada siya ng 9/2/6 KDA, 81K damage at 812 GPM upang maitabla ng three-time MPL Philippines champion squad ang serye. Maganda rin ang performance niya sa Claude para tuluyang nilang iselyo ang panalo.
Nag-aabang na ang Blacklist International sa upper bracket finals kung saan makakasagupa nila ang mananalo sa pagitan ng kapwa pambato ng Pilipinas na ECHO at kampeon ng Indonesia na ONIC Esports. Gaganapin ang UB finals sa ika-13 ng Enero, ika-7 ng gabi (oras sa Pilipinas).
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.