Sa kongklusyon ng MPL Philippines Season 10, pinatunayan ng Blacklist International at ECHO kung bakit tinitingala ang rehiyon sa buong mundo. Dikdikan ang naganap na bakbakan sa grand finals serye, ngunit sa huli ay nanaig ang koponan ni Season MVP Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna na niligpit ang Orcas sa game six para makalawit ang ika-tatlo nilang kampeonato sa apat na seasons.

Sumandal ang Blacklist sa desimulado nilang teamplay para itabla ang serye sa game four, bago kunin ang dalawang sumunod na laro para manumbalik sa tugatog ng Mobile Legends eksena sa ‘Pinas.

Credit: MPL Philippines

Ngunit bago pa mapagbaga ng koponan ng Tier One ang kanilang makinarya papunta sa tagumpay, natagpuan muna nila ang kanilang mga sarili sa alanganin matapos pumihit ni Tristan “Yawi” Cabrera ng magkasunod na MVP performances para ibaon sila sa 1-2 bangin.

Pambihira ang ipinamalas ng ECHO roamer hawak ang cheese picks na Valir at Jawhead sa games two at three para itulak ang koponan ni OhMyV33NUS sa dehadong sitwasyon. Kaya naman sa post-game press conference, hindi itinago ng The Queen kung gaano siya pinabilib ng ECHO captain, gayundin ang posibilidad na makakampi ito.


OhMyV33NUS bukas sa posibilidad na makakampi si Yawi

Credit: ONE Esports

Matapos ang tagumpay sa grand finals series, hinarap ni OhMyV33NUS ang media para i-kuwento ang kaniyang karanasan sa banggaan kontra ECHO. Nang lumutang ang tanong tungkol sa performance ni Yawi kontra sa kaniyang team, binaggit ng pro kung gaano siya pinamangha ng katapat na roamer.

Aniya, “Actually grabe si Yawi, sobrang napabilib niya ako. For sure hindi lang ako pati yung mga nanonood.”

Credit: MPL Philippines

Ayon sa The Queen, hindi lamang daw sa grand finals serye ipinakita ng ECHO star ang kaniyang dekalibreng play. Dagdag niya, “Feeling ko sobrang napatunayan ni Yawi na isa talaga siyang world-class or quality talaga na roamer. Napakita naman niya ‘yon sa RSG, kanina napakita rin naman niya ‘yon.”

Mababalikan na sa lower bracket finals, natagpuan ng RSG Philippines ang tunay na kamandag ni Yawi. Bugbog ang S9 champions sa pamatay na Chou ng 20-anyos sa magkasunod na games one at two, bago lapnusin ang mga ito hawak ang Kadita sa closer para kumpletuhin ang tatlong MVP of the game awards papunta sa 3-1 tagumpay para umangat sa Grand Finals.

Credit: MPL Philippines

Kasing-gilas ang ipinamalas ng superstar sa bakbakan kontra Blacklist. Susi ang kaniyang Valir at Jawhead (kung saan pareho siyang hinirang na MVP of the Game) para makuha ng ECHO ang 2-1 kalamangan para pakabahin ang Agents.


Ikinuwento rin ni OhMyV33NUS ang interaksyon nila ng kapwa roamer pagkatapos ng inantabayanang serye, “Kanina nag-swap kami ng jersey and nag-picture kame kanina.”

Credit: Tristan Cabrera

Dahil sa husay na ipinakita ng ECHO star, hindi itinago ni V33 ang kagustuhan niyang makatambal ito sa hinaharap. “And actually isa din si Yawi na gusto kong ma-experience maging kampe.”

Para sa mga balita tungkol sa MPL PH, i-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: BLCK Wise nagkibit-balikat sa tawag na siya dapat ang Finals MVP: ‘Basta nananalo kami as a team’