Nakakasorpresa na nakapag-debut ang signature hero ni Blacklist International captain Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna na Estes sa playoffs ng M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.
Hindi lang isa kundi tatlong beses napasakamay ni OhMyV33nus ang hero na nakakabit na sa kanyang pangalan upang pangunahan ang 3-1 panalo ng kasalukuyang world champions laban sa RRQ Akira ng Brazil.
Ngunit ang tila mas nakakabigla ay hindi niya ginamit sa serye ang Blacklist International Estes skin na iginawad ng Moonton pagkatapos nilang pangibabawan ang M3. Sa post-match press conference, ipinaliwanag ng dekoradong kapitan ang dahilan dito.
OhMyV33nus sa hindi paggamit ng Blacklist International Estes skin laban sa RRQA
Sa halip na world championship skin, binihisan ni OhMyV33nus ang kanyang Estes ng makulay na Galaxy Dominator epic skin sa kanilang unang pagsalang sa M4 playoffs.
“Before kasi (lumabas ang) Blacklist Estes, sobrang favorite ko talaga ‘yung ano, out of all the skins sa Mobile Legends, ‘yung Galaxy Dominator talaga ‘yung pinaka-favorite skin ko,” saad niya.
Pero may mas malalim na dahilan umano si “The Queen”, na tumutukoy sa kanilang pagdepensa ng titulo sa tumatakbong pinakamalaking torneo ng Mobile Legends: Bang Bang.
“And siguro, ayoko kasing maglaro na ang mindset namin kami ‘yung defending champion,” pagpapatuloy niya.
Gumamit man ng skin na ‘di inasahan ng marami, solido pa rin ang Estes ni OhMyV33nus at pinaandar ang UBE strategy na pinatikim ng Blacklist International sa RRQ Akira. Itinanghal siyang MVP sa Game 1 matapos magtala ng 13 assists at 1 kill nang hindi namamatay.
Bagamat natalo sa Game 3, kinuha niya ulit ang kanyang signature hero sa sumunod na laro at nagtala muli ng malinis na 1/0/17 KDA para tulungan ang Codebreakers na iselyo ang panalo.
Umabante sina OhMyV33nus at Blacklist International sa best-of-5 upper bracket semifinals kung saan makakalaban nila ang pambato ng Indonesia na RRQ Hoshi ni Pinoy import coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado. Nakatakda ang laban sa Miyerkules, ika-11 ng Enero sa ganap na ika-7 ng gabi (oras sa Pilipinas).
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at MLBB.