Si Blacklist International captain-roamer Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna na ang opisyal na may hawak ng pinakamaraming assists sa kasaysayan ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Nakamit niya ang nakakamanghang tagumpay na ito nang tulungan niya ang Codebreakers na padapain ang Smart Omega, 2-0, sa Week 2 Day 2 ng MPL PH Season 11.
Itinala ni OhMyV33nus ang kabuuang 2,266 assists–na siguradong madadagdagan pa sa paggulong ng season–upang lampasan ang kapwa MPL PH Hall of Legends inductee na si Jeniel “YellyHazeDR” Bata-anon ng Nexplay EVOS.
Nakamit ni OhMyV33nus ang pagiging all-time assists leader sa loob ng walong seasons sa liga. Nagsimula siya sa ONIC PH noong Season 4 bago umanib sa Blacklist International kasama si Danerie James “Wise” Del Rosario noong Season 7.
Proud si OhMyV33nus sa pagkamit ng all-time assists record sa MPL PH
Nasorpresa si OhMyV33nus nang malaman niya sa post-match press conference na siya na ang may ng pinakamaraming assists sa liga. Natuwa ang M3 world champion at 3-time MPL PH titlist na may naidagdag na naman siyang panibagong karangalan sa kanyang pangalan.
“Siyempre nakaka-proud and super happy kasi para ma-achieve mo ‘yung ganung achievement, kailangan mo talagang tumagal sa liga and para sa’kin ‘yun ang pinakamahirap ma-achieve ngayon sa esports,” pahayag niya.
Ani pa ni “The Queen”, patunay ito ng pagpapanatili niya ng mahusay na performance sa Mobile Legends professional scene.
“Especially sa ML kasi madalang ang mga players na sobrang tumatagal so ibig sabihin lang nun tumagal ako and consistent. Consistency kasi ang pinaka-goal ko every season.”
Bukod sa pagkuha ng personal record, layunin din ni OhMyV33nus na pangunahan ang misyon ng Blacklist International na panatilihin ang korona sa MPL PH. Itutuloy nila ang kanilang kampanya kontra ONIC PH at RSG Slate PH sa susunod na linggo.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.