Pinagbidahan nila Kiel Calvin “OHEB” Soriano at Salic “Hadji” Imam ang 2-0 pangwawalis ng SIBOL MLBB laban sa Malaysia sa lower bracket semifinals ng International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022) Mobile Legends: Bang Bang tournament.

Dahil sa sweep, selyado na ng Pilipinas, na binabandera ng core players ng Blacklist International at dalawang manlalaro ng Maharlika Esports, ang tansong medalya at premyong US$20,000 o nasa PHP1.1 milyon.


SIBOL MLBB pinatalsik ang Malaysia sa likod nila OHEB at Hadji para sa siguradong bronze medal

SIBOL MLBB sa IESF WEC 2022
Credit: Blacklist International

Naibulsa ng SIBOL MLBB ang maagang bentahe sa Game 1 kontra Malaysia na kinakatawa ng Todak dahil sa tatlong Turtle na nasiguro ni Danerie James “Wise” Del Rosario (Barats). Nakuha rin ng mga Pinoy ang unang Lord at sumubok na bumasag sa top lane subalit solido ang depensa ng Malaysians na sinandalan ang kanilang mahapding combo upang mapatumba ang tatlong miyembro ng SIBOL.

Hindi naman natinag ang PH squad at patuloy na pinaandar ang dominasyon sa laro. Sa 15th minute, kinitil ni OHEB sa kanyang Lesley si Zikry “Moon” Bin Shamsuddin (Kagura) at Muhammad “Yums” Suhairi (Mathilda) para makuha ang Enhanced Lord.

Nangibabaw ulit ang SIBOL sa clash sa 17th minute kung saan naipukol ni OHEB ang monster kill streak bago nila kunin ang Evolved Lord at tuluyang isara ang laro sa sumunod na dalawang minuto.



Kumana si OHEB ng perpektong 9/0/6 KDA at nagpakawala ng 103K damage para hiranging MVP ng laro. Malaking tulong din ang naibigay ni Hadji (Pharsa) na binitaw naman ang malaking magic damage.

Pinagpatuloy ni Hadji ang swabe niyang galawan gamit naman ang Kagura sa sumunod na laban, na naging maaksyon sa early game pa lang. Ilang kills at assists agad ang naitala ni KDA machine sa mga unang minuto ng laro.

Sa 7th minute team fight, isang malayong flame shot ang ibinitaw ni Hadji upang makapitas ng double kill at pangunahan ang 3-0 trade para maibigay ang 13-5 kill score at mahigit 4K gold lead sa SIBOL MLBB.



Mula dito ay hindi na lumingon pa ang pambato ng Pinas. Bagamat pumapalag ang Malaysians, nanaig pa rin ang mga Pinoy sa mga sumunod na clash at tinuldukan ang serye sa pamamagitan ng isang team wipe sa 15th minute.

Nagtala si Hadji ng 10/3/16 KDA at 77K damage sa panapos na laro. Katuwang niya sa pagbuhos ng damage sina OHEB (Lesley) at Edward Jay “EDWARD” Dapadap (Benedetta) habang sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna (Lolita) at Wise (Guinevere) naman ang pumupronta.

Sunod na makakaharap ng SIBOL MLBB ang Cambodia na kinakatawan ng Impunity KH sa lower bracket finals na gaganapin sa ika-10 ng Disyembre. Ang mananalo dito ay aabante sa grand finals laban sa host nation Indonesia kinabukasan para sa gintong medalya.

Samantala, nagtapos ang kampanya ng Malaysia sa ikaapat na pwesto ng torneong tinatampok ang walong bansa.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.