Pinatotohanan na ng Nexplay EVOS ang mga kuro-kuro matapos nilang kumpirmahin ang pagkuha sa premyadong amateur team na Minana Esports para sa papalapit na Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL PH) Season 11.

Sa kanilang social media channels at website nitong Miyerkules, ika-8 ng Pebrero, inilahad ng NXPE ang kanilang pakikipag-alysansa sa Minana at ipinakilala ang kanilang roster na binubuo ng mga bagong manlalaro, maliban sa kanilang beteranong mid laner at Hall of Legends inductee na si Jeniel “YellyHaze” Bata-anon.

Nexplay EVOS mid laner Jeniel "YellyHaze" Bata-anon, Hall of Legends inductee
Credit: ONE Esports

“We’ve been very impressed with Minana and their dedication to the game. Their results speak for themselves, and we believe they are ready to make an even louder bang in the pro league,” pahayag ni Nexplay CEO at co-founder Gabriel Benito.

“We are honored to be joining Nexplay and proud to represent the Philippines in the MPL. We are hungry and determined to keep pushing ourselves to the limit and prove that we belong in the pro league,” saad naman ni Minana founder Julius Mariano.


YellyHaze at Minana Esports kakatawanin ang Nexplay EVOS sa MPL PH Season 11

Credit: Minana Esports

Isa sa mga aktibong manlalaro na nagsimula pa noong kauna-unahang season ng MPL Philippines, magsisilbing gabay ang 1-time MPL champion at Southeast Asian Games gold medalist na si YellyHaze para sa mga bagitong players mula sa Minana.

Kinikilala ang Minana bilang isa sa mga pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng MLBB amateur scene matapos silang sumungkit ng 11 magkakasunod na kampeonato.

Binubuo ang koponan nila Bien “BoyetDR” Chumacera, Christian “GoyongDR” Martinez, Jan Domenic “DomengDR“ Del Mundo, Borris James “BruskoDR” Parro at Danver “DingDR” Canja. Pinapatnubayan sila nila head coach Joshua Alfaro at assistant coach Jayson Navarro Casidsid.

Samantala, bago ilabas ang kanilang panibagong roster, pinasalamatan ng Nexplay EVOS sina roamer Mico “Micophobia” Quitlong, Emanuel “Elpizo” Candelaria at coach Paolo “Pao” Villanueva para sa kanilang serbisyo sa koponan.

Kumpletong lineup ng Nexplay EVOS para sa MPL PH Season 11

Credit: Minana Esports
  • Jeniel “YellyHazeDR” Bata-anon (mid laner)
  • Bien “BoyetDR” Chumacera (jungler)
  • Christian “GoyongDR” Martinez (mid laner)
  • Jan Domenic “DomengDR“ Del Mundo (gold laner)
  • Borris James “BruskoDR” Parro (roamer)
  • Danver “DingDR” Canja (EXP laner)
  • Joshua Alfaro (head coach)
  • Jayson Navarro Casidsid (assistant coach)

Tatangkain ng Minana Esports na dalhin ang kanilang makinang na karera mula sa amateur scene patungo sa pro league at tulungan ang Nexplay EVOS na makabawi mula sa 7th-place finish noong nakaraang season.

Nakataya sa darating na MPL PH S11 ang karapatan na irepresenta ang Pilipinas sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2023 na nakatakdang isagawa sa Hunyo sa Cambodia.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.