Nakasungkit ng panalo ang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 na RSG PH laban sa koponang nag-uwi ng titulo noong M2 World Championship sa ika-10 season ng MLBB Professional League Philippines (MPL PH).
Salpukan ng mga kampeon ang naganap sa ikalawang araw ng ikatlong linggo ng regular season. At sa unang pagkakataon simula nang matalo noong season opener kontra Smart Omega, muling rumampa sa entablado ang MSC 2022 lineup ng Raiders para matalo ang BREN Esports sa iskor na 2-1.
Coach Panda nagpaliwanag sa palitan ng lineup ng RSG PH
Matapos ang pagpapakitang-gilas ni Southeast Asian Games gold medalist Kenneth “Kenji” Villa noong nakaraang linggo, si Clarense “Kousei” Camilo naman ang bumida ngayon para sa RSG PH.
Pinalitan muna ng 17-taong-gulang na gold laner si Eman “Emann” Sangco para kalabanin ang puwersa nina Angelo “Pheww” Arcangel sa unang dalawang mapa ng best-of-three.
Malinis ang pagkakakuha ng Raiders sa game one ng bakbakan, pero bigo silang maisara agad ang serye. Kaya’t nang napwersa ng BREN Esports ang rubber match, pinasok na si Emann para muling makumpleto ang MSC 2022 lineup ng RSG PH.
Namula sa dugo ng BREN Esports ang Celestial Palace dahil sa taas ng kill count na naitala ng RSG PH. 16 mula sa 26 kabuuang kills ng defending MPL PH champions ay nagmula sa Karina ni Jonard “Demonkite” Caranto at Faramis ni Arvie “Aqua” Antonio, na pareho ring nagtala ng tig-15 assists.
Sa post-game interview, ipinaliwanag ng coach ng RSG PH na si Brian “Panda” Lim ang dahilan sa likod ng pagpalit ni Emann kay Kousei pagpasok sa ikatlong mapa ng serye.
“I don’t want anymore ‘main five, main five,’ but Team A and Team B,” aniya.
Sa ganitong paraan daw ngayon pinagdedesisyunan ng koponan kung sino ang maglalaro sa bawat linggo. Nilinaw din ng dekoradong coach na magdadala pa rin sila ng sub para sa mga players lalo na kung natalo sila sa unang mapa, pero hindi ito dahil sa partikular na player.
“So it’s not really because we lost because of that person… hindi, Kousei played better than Emann this week. It’s just that playing in the tournament is also your test, so prove yourself. So if not, you bawi again next week. So that’s what we’re doing right now,” dagdag ni Coach Panda.
Samantala, susubukan naman ng RSG PH na sumelyo ng isa pang panalo ngayong linggo kontra Nexplay EVOS naman. Idaraos ang kanilang salpukan sa Linggo, ika-28 ng Agosto, sa ganap na ika-anim ng gabi.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Nets bumida; ONIC PH kinumpleto ang upset kontra BLCK, 2-0