Hindi bigo ang mga miron na tumututok sa unang bahagi ng MPL Philippines Season 11 (MPL PH S11) matapos ipakita ng mga koponan kung bakit tinagurian ang liga bilang tahanan ng pinakamalalakas na Mobile Legends players sa buong mundo.

Bawat isa sa walong teams na kalahok ay inihain sa fans ang kani-kanilang timpla sa Land of Dawn, at sa proseso ay naihayag sa madla ang ilan sa mga pick na kinikilingan ngayon.

Sinu-sino ang heroes na humuhulma sa meta sa MPL PH at bakit?


Top 5 most picked heroes sa MPL PH

5. Melissa

Credit: Moonton

Panglima sa listahan ng paboritong picks ng MPL PH teams ang Melissa. Base sa pinakahuling datos, 25 beses na nakuha ang hero para sa 40.32% pick rate, kontra sa 14 ulit na bans dito katumbas ng 22.58% ban rate.

Pasok kasi sa karamihan ng komposisyon ang kit ng hero partikular na dahil sa kaniyang long range attacks at ang kaniyang Go Away! ultimate na isa sa mga pinakamabisang survivability skill lalo na sa kaniyang hero class.


4. Lapu-Lapu

Credit: Moonton

Nakaupo sa ika-apat na puwesto ang Lapu-Lapu. Sinasalamin ng 29 picks at 46.77% pick rate nito ang pagkiling ng MPL PH teams sa fighter.

Matapos ipakita ni Sanford “Sanford” Vinuya ang kisig ng hero sa M4 World Championship, unti-unting naging paborito ang hero sa EXP lane lalo pa’t swabe ang kontrol at damage na kayang ilabas ng Bravest Fighter ultimate.


3. Pharsa

Credit: Moonton

Nasaksihan sa liga ang kakayahan ng Pharsa na mag-zone gamit ang kaniyang Feathered Air Strike ultimate sa paligid ng neutral objectives, at makakuha ng kills dahil sa kati ng kaniyang magic damage output.

Kaya naman, hindi na kagulat-gulat na ikatlo siya sa most picked heroes matapos ang Week 4 na may 39 picks katumbas ng sandamukal na 62.90% pick rate


2. Valentina

Credit: Moonton

Valentina ang nakapuwesto bilang second most picked hero sa unang bahagi ng MPL PH S11. Kasalukuyang may 75.81% pick rate ang hero (47 times picked) base sa pinakahuling datos mula sa liga.

Ito ay sa kadahilanang nanatili na OP ang kaniyang “I am You” ultimate na kayang bumaliktad ng team fights. Madalas isalang ang hero sa mid lane ngunit hindi na rin bagong makita ito sa jungle role, partikular na sa kamay ng Blacklist International.


1. Fredrinn

Credit: Moonton

Sa gumugulong na MPL PH S11, mapapansin ang pagpabor ng teams sa Fredrinn na pinili ng 50 beses para sa nakagugulat na 80.65% pick rate, ang pinakamataas na bilang ng picks at pick rate sa listahan.

Sinasabe ng talaang ito na mas pabor pa rin ang mga Pinoy sa pagkuha ng tempo heroes sa jungle tulad ng Fredrinn na kayang dominahin ang early game objectives at tumangke ng sandamukal na damage.

Kasama pa ang disenteng damage capability ng hero, talagang malaki ang epekto ng fighter pagdating ng team fights at objective takes. Patunay din ang 66% win rate nito sa kakayahan ng hero na baguhin ang hulma ng laro.


Top 5 most picked heroes sa first half ng MPL PH S11

HeroPicksPick RateWinsWinrate
Fredrinn5080.65%3366%
Valentina4775.81%2451.06%
Pharsa3962.90%1948.72%
Lapu-Lapu2946.77%1344.83%
Melissa2540.32%1352.00%

Para sa iba pang content ukol sa MPL PH, sundan lamang sa Facebook ang ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Kaya daw talunin ng Arlott ang karamihan sa meta EXP laners ngayon sabi ni Wolf