Oras na lamang ang bibilangin bago tuluyang magbukas ang inaantabayanang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9. At bago pa man mag-umpisa ang nasabing torneyo, kaniya-kaniya ang opinyon ng mga miron kung sino ba ang mga koponang magpapamangha sa unang MPL season ng taon.

Hindi nagpahuli ang staff ng ONE Esports Philippines na kasama ring tumantiya sa lagay ng mga teams sa pagsisimula ng liga. Sa MPL PH Season 9 Power Rankings na ito, sinuri namin ang kakayahan ng mga teams base sa pinakahuling performances nila sa mga tournaments at iniugnay ito sa mga roster changes na naganap sa kanila noong offseason.

MPL PH Season 9 Power Rankings ng ONE Esports PH:

1. Blacklist International

Credit: Blacklist International

Bagamat sasabak ngayong MPL season ng wala ang kanilang V33Wise duo, hindi maikakaila na ang M3 World Champions Blacklist International pa rin ang koponang inaasahan na kuhanin ang korona ngayon.

Malaking confidence-booster ang pagkapanalo ng Blacklist sa katatapos lamang na SIBOL 2022 Phase 2 MLBB Qualifers lalo na kay Salic “Hadji” Imam na pangungunahan ang koponan ngayong season. Pinanganga muli ni Hadji ang mga miron sa kaniyang maniobra sa midlane para bigyang-daan ang tagumpay ng BLCK sa National Team Selection.

Bukod sa MPL PH Season 8 MVP, katatampukan pa ng dalawang MVP caliber pro players ang roster ng back-to-back champions sa Season 9. Bida pa rin sa lineup ang MPL PH Season 7 MVP Edward Jay “Edward” Dapadap na bababad muli sa EXP lane at ang M3 World Championship MVP na si Kiel “OHEB” Soriano na siguradong magpapahanga muli sa gold lane.


2. Nexplay EVOS

Credit: Nexplay Esports

Ikalawa sa ating MPL PH Season 9 Power Rankings ang nagbabagang Nexplay EVOS. Matapos ang kanilang 3rd place finish noong Season 8, nagpatuloy ang dekalibreng performances ng koponan sa SIBOL 2022 National Team Selection kung saan niyanig nila ang kompetisyon.

Kinapos man kontra sa paboritong Blacklist International sa grand finals ay hindi maitatanggi ang husay ng mga miyembro ng Nexplay lalo na ang mga bagong adisyon sa lineup. Pasabog ang ipinakita ni Marius “Donut” Tan sa gold lane na sinabayan din ng magilas na plays ni Rainiel “URESHIII” Logronio sa EXP lane sa National Team Selections kaya naman hindi malayong maisalin nila ito sa pagbubukas ng bagong season.


3. RSG Philippines

Credit: RSG Philippines

Salungat sa ibang MPL PH Season 9 Power Rankings, kabilang sa top 3 teams ng ONE Esports Philippines ang RSG Philippines. Malaking rason dito ang huli nilang ipinakita sa SIBOL 2022 kung saan kamuntikan na nilang makamit ang inasam nilang Cinderella matchup kontra Blacklist, bago mapurnada ng Nexplay sa semis.

Gayunpaman, taas noo ang mga miron sa gilas ng team ni Coach Brian “Panda” Lim na sinakop ang Phase 1 ng nasabing qualifers at nagpursigi sa matarik na Phase 2 knockout stages.

Inaasahang ipagpapatuloy ng MPL PH S8 Rookie of the Season na si Jonard “Demonkite” Caranto ang paghahasik niya ng lagim sa jungler position, habang reresbak sa roam position ang bago nilang adisyon na si Dylan “Light” Catipon na dating TNC Pro Team ML standout.


4. ONIC Philippines

Credit: Moonton

Siguradong maraming magugulat sa placing ng ONIC Philippines sa MPL PH Season 9 Power Rankings na ito. Totoong mas maraming nagpapalagay na #ItsONICTime na ngayong Season 9. Gayunpaman, may epekto sa kanilang rankings ang performance na isinalang nila sa Phase 2 Qualifers kung saan kinapos sila kontra NXPE sa lower bracket.

Sa kabila nito, titindig ang ONIC PH kasama ang kabuuan ng kanilang roster na sumabak sa world stage, kaya nananatiling paboritong team ang M3 World Championship runner ups. Babandera pa rin sa core position ang star jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol, habang ipapamalas muli ni Allen “Baloyskie” Baloy ang kaniyang veteran moves sa support role.


5. Bren Esports

Credit: Bren Esports

Panglima sa MPL PH Season 9 Power Rankings ng ONE Esports PH ang Bren Esports. Marami ang nagpapalagay na maganda ang ipapakita ng M2 World Champions ngayong season matapos ang disenteng kampanya sa SIBOL 2022.

Hindi malayong makabalik sa playoff contention ang koponan ni Coach Francis “Duckey” Glindro dahil bukod sa pananatili ng mga beteranong sina Angelo “Pheww” Arcangel, David “FlapTzy” Canon at Allan “Lusty” Castromayor ay babandera na rin para sa kanila ang 3 standouts mula magilas na ArkAngel team.

Susubukang buhayin muli nina Kenneth “Saxa” Fedelin, Marco “Super Marco” Stephen at Vincent “Joy Boy” De Guzman ang mala-alamat na pangalan ng Bren ngayong Season 9.


6. ECHO

Credit: ECHO Philippines

Isa sa teams na pinaka-nagingay noong nakaraang offseason ang ECHO dahil sa malalaking pangalan na bibida para sa kanila ngayong season. Pasabog ang ginawa ng team ng kuhanin nila sa Bren Esports ang superstar jungler at M2 World Championship MVP na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno, gayundin ang former TNC Pro Team ML standout na si Frediemar “3MarTzy” Serafico na tatao sa EXP lane.

Babalagbag na rin para sa koponan ang bantog na roamer na si Tristan “Yawi” Cabrera na dating kabilang ng MPL PH Season 9 3rd placer na Nexplay EVOS, habang susubukan naman ni Ashley Marco “Killuash” Cruz na ipagpatuloy ang makulay na karera sa kaniyang muling pagbabalik sa MPL.

Bigatin man ang mga pangalan na itatampok ng ECHO ngayong season ay hindi pa nasusubok ang tibay ng teams sa harap ng pinakamagagaling na koponan sa bansa.


7. Smart Omega

Credit: Smart Omega ML

Mapagdedebatihan ang posiyon ng Smart Omega sa MPL PH Season 9 Power Rankings na ito. Maagang nadehado ang koponan ng ilaglag ng RSG PH sa lower bracket sa SIBOL 2022 National Team Selection. Bagamat napurnada ng koponan ni Jomie “Pakba1ts” Abalos ang kampanya ng Origen Esports ay tuluyan na silang pinauwi ng kalaunan ay runner ups na Nexplay EVOS sa lower bracket.

Palaisipan kung maipapamalas ba ng Smart Omega ang kanilang tunay na lakas ngunit kung sakaling mailalabas man nila ito ay maraming koponan ang siguradong mangangatal sa tindig na dala nila sa playoffs.


8. TNC Pro Team ML

Credit: TNC Pro Team

Pupronta gamit ang bagong IGN na SDzyz, tatangkain ng star jungler na si Daniel Chu na pangunahan ang revamped roster ng TNC, kasama ang lineup holdover na si Ben “Benthings” Maglaque.

Liban sa dalawang beterano, kukumpletuhin ng mga bagong pangalan ang MPL PH S9 Roster ng TNC na kabibilangan nina Jomarie “Escalera” Delos Santos, Mark Genson “Kramm” Ruisiana, Yasuwo at KingSalman.

Sang-ayon ba kayo sa MPL PH Season 9 Power Rankings na ito? Ikomento ang inyong prediksyon sa Facebook post na ito.

BASAHIN: MPL PH Season 9 power rankings ng casters at analysts