Tukoy na kung kailan itutuloy ang mga na-postpone na laban sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) dahil sa banta ng Super Typhoon Karding.

Matatandaang inantala ang mga bakbakan noong ika-25 ng Setyembre, kung saan tampok sana ang salpukan ng RSG Philippines kontra Nexplay EVOS at ECHO laban sa Blacklist International. Dahil dito, limang serye lang ang nairaos para sa ikapitong linggo ng regular season.

Opisyal namang inanunsyo ng MPL Philippines na itutuloy ang mga naturang laban sa ikatlo ng Oktubre, Lunes. Gaganapin pa rin ito sa ICITE Bldg sa Quezon City sa harap ng live audience. Ito na rin ang magsisilbing huling araw ng regular season.

ECHO vs BLCK ang huling laban ng MPL PH S10 regular season

Naantalang laro ng MPL PH S10, may petsa na
Credit: MPL Philippines

Natapos ang ikapitong linggo ng regular season na pinalitan ng ECHO ang Blacklist International bilang topseed sa standings. Nakalikom ang 23 puntos ang koponan nina Karl “KarlTzy” Nepomuceno matapos walisin ang TNC Pro Team para maitala ang ikalima nilang sunod na panalo.

Isang puntos lang ang pagkakadehado ng koponan nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna sa mga Orca. Magkakaroon din sila ng pagkakataon na makabwelo kontra topra nina Ben “Benthings” Maglaque bago tuluyang kaharapin ang tinaguriang “Super Team” sa Lunes.

Naantalang laro ng MPL PH S10, may petsa na
Credit: MPL Philippines

Magsisilbing gitgitan para sa mas kumportableng playoff seeding ang mga laban sa huling linggo ng regular season. Pasok na kasi agad sa upper bracket ng naturang tournament phase ang mangingibabaw sa standings at sila rin ang makakapamili kung sino ang magiging third at fourth seeds.

Sa kung gaano kadikit ang dalawang koponan ngayon, tiyak na magiging kaabang-abang ang harapan sa pagitan ng ECHO at Blacklist International.

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ito ang best item build para kay Irithel, base kay BTR Markyyyyy