Pormal nang bubuksan ang bakbakan ng anim sa pinakamagagaling na Mobile Legends teams sa Pilipinas sa MPL PH S10 Playoffs ngayong October 20 hanggang 23, karugtong ng anunsyo ng liga sa kanilang social media pages.

Gaya ng ginawa sa regular season, bubuksan muli ang aksyon sa mga fans na maaaring mapanood ang mga labanan ng live sa Blue Leaf Cosmopolitan, Robinsons Bridgetowne, Brgy. Bagumbayan sa Quezon City.

Credit: Blue Leaf Cosmopolitan

Matatandaan na limitado lamang ang bilang ng live audience na pinapapasok sa gumugulong na regular season sa ICITE Building sa Eastwood, Quezon City.

Inaasahan ng organizers ng liga na sa pagdaraos nito sa mas malaking venue ay mas maraming fans din ang mabibigyan ng pagkakataon na masaksihan at masuportahan ang kanilang paboritong players at teams offline at onsite.

Credit: MPL Philippines

“The competition this season has been intense, and we are using this 10th season as a way to celebrate our athletes and their achievements, with our fans. We hope everyone will join us and enjoy the exciting activities prepared just for them,” ani ng MOONTON Games Esports Senior Marketing Manager na si Tonyo Silva.


Lahat ng koponan na lalahok sa MPL PH S10 Playoffs

Credit: MPL Philippines

Top 6 teams sa regular season

  • ECHO
  • Blacklist International
  • Smart Omega
  • ONIC Philippines
  • BREN Esports
  • RSG Philippines

Bagamat hindi pa tapos ang regular season ay tiyak na ang mga koponang lalahok sa dikdikan sa MPL PH S10 Playoffs. Namayagpag sa regular season ang ECHO ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na susubukang ipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa postseason, habang tatangkain naman ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at ng kaniyang Blacklist International na bawiin ang koronang nawalay sa kanila sa S9

Credit: MPL Philippines

Pareho ang gigil ng Smart Omega ni Duane “Kelra” Pillas na inaantabayanan ang sarili nilang koronasyon bilang pinakamakamandag na koponan sa bansa. Samantala, sisikapin ng halos rookie lineup ng ONIC Philippines na patunayan na sila ang real deal sa postseason matapos lampasan ang inaasahan mula sa kanila sa regular season.

Credit: ONE Esports

Makakatuwang din sa MPL PH S10 playoffs ang BREN Esports ni Angelo “Pheww” Arcangel na nagbalik sa porma matapos mawala sa playoffs eksena ng dalawang magkasunod na seasons. At hindi magpapahuli si Dylan “Light” Catipon at ang kaniyang RSG Philippines na pagsasama-samahin muli ang kanilang lakas para madepensahan ang kanilang MPL PH korona.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Kelra at Coach Pakbet ng Smart Omega inilahad ang gusto nilang makatapat sa MPL PH S10 playoffs