Nasaksihan sa mga bakbakang naganap sa MPL Philippines ang ilan sa mga kapanapanabik na sandali noong nakaraang season ngunit may piling mga tagpo na hindi maitatanggi na nag-iwan ng marka sa mga tagsubaybay ng liga ng pinakamalalakas na Mobile Legends players sa mundo.

Mula sa sandamukal na highlight plays at matitinding duwelo sa lumipas na Season 9 at Season 10, namili ang MPL PH Press Corps katuwang ang SMART ng play at game na pinaka-yumanig sa eksena para ihalala sa darating na MPL PH PC Awards Night.


MPL PH PC paparangalan ang ECHO, Blacklist at Bren

Credit: Moonton

Para sa SMART Play of the Year, ang backdoor play ng ECHO kontra Bren Esports sa Week 6 Day 1 ng Season 10 ang nanguna sa botohoan. Naiwang nakanganga ng eventual M4 World Champions ang mga miron dahil sa shotcalling at tiwalang ipinamalas ng Purple Orcas para pihitin ang pinakamatinding nakaw play ng season.

Credit: MPL PH Press Corps

Natagpuan ng Bren ang abante sa paligid ng Lord pit sa huling bahagi ng laro, ngunit hindi napansin ng mga pambato ng The Hive ang tusong play nina Benedict “BennyQT” Gonzales sa Beatrix, Karl “Karltzy” Nepomuceno sa Fanny at Tristan “Yawi” Cabrera sa Chou. Habang ginawang abala nina Sanford “Sanford” Vinuya sa Uranus at Alston “Sanji” Pabico, pumugak ang trio para sa pambihirang base push papunta sa panalo.

Pareho ang pagkasabik na naramdaman ng fans nang masaksihan nila ang Smart match of the Year sa pagitan ng M2 at M3 World Champions na Bren Esports at Blacklist International sa upper bracket finals ng MPL PH Season 10 playoffs.

Credit: MPL PH Press Corps

Kaharap ang matikas at gutom na Bren na kinuha ang krusyal na Game 3, sumandal muli ang Blacklist sa kanilang championship experience at tumindig sa huling dalawang laro para kaharapin ang ECHO papunta sa unang tiket sa M4 World Championship.

Pinagana nina Johnmar “OhmyV33nus” Villaluna and Salic “Hadji” Imam ang pamatay na Estes-Faramis combo sa game 4 para itulak ang laro sa deciding Game 5 kung saan kinailangan ng kalaunan ay MPL PH S10 champions na harapin ang buong lakas ng The Hive.

Credit: Moonton

Hindi ginawang madali ng Bren ang buhay ng mga pambato ng Agents dahil sa husay ng laro na ipinakita nina Rowgien “Owgwen” Unigo, Michael “Kyletzy” Sayson at Stephen “Super Marco” Requitano.

BASAHIN: Super Marco tinanghal na Razer Gold-MPL PH Press Corps POW para sa Week 2