Kahit walang sinasalihang professional league, dalawang sunod na taon nang nagpakitang-gilas ang koponan ni Michael “MobaZane para ibandera ang rehiyon ng North America sa M Series.

Unang sinorpresa nila MobaZane at BloodThirstyKings ang mundo ng Mobile Legends: Bang Bang pro scene noong M3 World Championship sa Singapore. Dito ay pinataob nila ang Blacklist International sa first round ng upper bracket bago lumapag sa 3rd place matapos padapain ng parehong koponan na tuluyang nagkampeon sa torneo.

Sa katatapos lang na M4 sa Jakarta, Indonesia, hindi man nagawa ng The Valley na pinangungunahan ng American jungler na gayahin ang podium finish ng BTK, nakalapag pa rin naman sila sa 5th-6th place sa 16-team tournament — sa likod lang ng mga higante mula sa MPL Philippines at MPL Indonesia.

Dahil sa magandang resulta na pinakita nila sa huling dalawang kompetisyon ng M Series, tinanong ng ONE Esports si MobaZane kung karapat-dapat bang mabigyan ng dalawang slots ang North America sa M5 World Championship na isasagawa sa Pilipinas sa Disyembre.


Ang opinyon ni MobaZane patungkol sa pagkakaroon ng 2 slots para sa NA sa darating na M5

MobaZane sa M4
Credit: Moonton

Opinyon ng 21-year-old pro, dapat ikonsidera ng Moonton ang pagbibigay ng dalawang puwesto sa NA sa susunod na world championship kung magiging mas competitive ang rehiyon.

“I think if North America becomes more competitive then that should definitely be something Moonton looks into — giving us two North American slots,” wika niya sa press conference matapos pauwiin ng The Valley ang MPL Malaysia runner-up na Todak sa iskor na 2-0 sa lower bracket round 2.

Ayon pa kay MobaZane, umangat ang antas ng kompetisyon sa NA makaraang sungkitin ng BTK ang 3rd place sa M3, liyamado sa mga pambato ng MPL ID, MPL MY, MPL Singapore at iba pang mga rehiyon na may pro league.

“The level of competition, sometimes it’s high. It definitely increased after M3 with the performance of BTK. But I think yeah, if things keep up, we definitely should have two slots, especially if we win (M4),” saad niya sa eksklusibong panayam ng ONE Esports.

Sa kasamaang palad, ‘di naiuwi ng The Valley ang world title. Pero napatunayan muli ng mga manlalaro mula sa NA na kaya nilang angatan ang ibang mga koponan na sumasabak sa MPL.

Credit: Moonton

Kung sakali mang mapagpasyahan ng Moonton na magdagdag ng isa pang koponan mula sa North America at panatilihin ang dami ng kasaling koponan sa M5, sinabi ni MobaZane na ang Mekong region ang kailangang matanggalan ng slot para maipasok ang ikalawang NA squad.

“I think, maybe the Mekong region because I don’t think they play Mobile Legends that much,” paliwanag niya. “To be honest, I don’t think Vietnam deserved to be here (in M4) compared to a lot of great teams in the world.”

“So, if I have to choose one team to remove it would definitely be that region. I think it’s a little bit too immature of a region. It needs a little bit more growing before they come into (the M Series,” giit pa niya.

Credit: Moonton

Kung tutuusin, may punto si MobaZane. Walang naipanalo ni isang laro ang kinatawan ng Mekong Qualifier na MDH Esports mula sa Vietnam sa group stage man o playoffs at bumulusok sa 13th-16th spot sa M4.

Bagamat pareho ang resulta ng MDH sa MPL Cambodia champion na BURN x FLASH na sinipa ng The Valley, nadali ng COVID-19 ang kanilang Pinoy coach na si John Michael “Zico” Dizon na posibleng nakaapekto sa kanilang kampanya.

Sa ngayon, wala pang balita patungkol sa dami ng koponan na makakasali sa M5 at kung paano ang distribusyon ng slots sa bawat rehiyon.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.