Agad na ipinamalas ng mga kinatawan ng Cambodia, Malaysia at Argentina ang kanilang gigil sa unang araw ng IESF 14th World Esports Championship Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) Final Stage sa Bali, Indonesia.

Tatlong magkakasunod na demolisyon ang nasaksihan ng mga miron sa pagbubukas ng international event, kung saan ipinakita ng mga matagumpay na teams na malayo ang lebel nila sa kanilang mga nakatapat.


3 sweeps tampok sa IESF 14th WEC MLBB Final Stage Day 1

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa kangkungan natagpuan ang team Namibia sa pagbubukas ng international na patimpalak, kortesiya ng pambihirang agresyon ng team Cambodia. Maagang nag-init ang makinarya ng koponang binuo ng pamosong Impunity KH na pinahiya ang kanilang katapat sa dalawang mabilis na laro.

Sa likod ng dambuhalang performance ni Houn Chan “Dejia” Vicha sa Valentina, dinikdik ng MPL KH pros ang katapat na South Africans sa 22-1 kill score bago iligpit sa ika-10 minuto sa game 1. Isang iglap lang din ang itinagal ng ikalawang mapa, bida pa rin si Deja hawak naman ang Faramis na pumukol ng 3/0/13 KDA para buuin ang 23-1 kill score para isarado ang serye sa lampas 8-minuto.


Samantala, pinangunahan naman ni Muhammad Qayyum Ariffin Bin “YumS” Mohd Suhairi at Idreen Bin “MoMoooo” Abdul Jamal ang atake ng team Malaysia sa ikalawang sultada.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat nagpakita ng sariling tikas ang team Vietnam sa pangunguna ng jungler na si Nguyễn “Jowga” Văn Tô Đô na nakasabay sa early game ng dalawang laro, hindi nila nagawang sugpuin ang koponang binubuo ng Todak players.

Pinagana ng mga Malay ang lineup sentro ang jungle Leomord ni Muhammad “CikuGais” Fuad sa game 1 kaparis ang Diggie ni YumS para isarado ang laro sa 21-5 kill score sa loob ng 11 minuto.

Sa ikalawang mapa naman, cheese pick jungler Ruby ang isinalang para kay Ciku para mabigyan ng puwang ang Beatrix ni Momo. Nagtala ang gold laner ng sandamukal na 13 kills kasama ng 7 assists kontra 2 deaths para hiranging MVP ng closer na tumagal naman ng 13 minuto.


Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Nagpakilala naman sa ikatlong serye ang team Argentina na pinompyang ang team Slovenia sa dalawang mabibilis na laro. Susi sa strat ng mga taga-South America ang Faramis pick na hinawakan ni Meteoro na pumukol ng 4/0/6 KDA para hiranging MVP of the Game.

Dominante namang plays sa Gusion ang ipinamalas ni Jotun sa closer na naglista ng 7/1/12 KDA para kumpletuhin ang sweep at umangat sa second round.


Sa panalo, aangat ang Cambodia, Malaysia at Argentina sa second round ng IESF 14th WEC MLBB Final Stage habang magbabanatan naman sa lower bracket ang mga nagaping teams.

Aabangan ng upper at lower bracket ang bakabakan sa pagitan ng dalawa sa pinakamalakas na MLBB regions sa mundo na Pilipinas at Indonesia para kumpletuhin ang first round.

Para sa pinakahuling balita tungkol sa MLBB, sundan lamang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ‘Classic Blacklist’ daw ang dapat abangan sa IESF WEC 2022 MLBB, ani Coach BON CHAN