Isa ang EXP laner sa limang roles na ginagampanan sa Mobile Legends: Bang Bang. Malinaw naman na siya ang nakatoka sa EXP lane kung saan lumalabas ang special siege minions na nagbibigay ng extra experience points na nagpapataas ng level ng isang hero para makuha ang kanyang spells o mapalakas ang mga ito.
Tinatawag din ang role na ito na Turtle laner dahil sila ang nasa lane na pinakamalapit sa pit kung saan unang nag-i-spawn ang Turtle sa two-minute mark ng isang laro.
Narito ang mga dapat gawin para maging isang mabisang EXP laner at ang ilan din sa mga hero na nababagay sa role na ito.
Mga dapat gawin ng isang EXP laner
Ilan sa mga trabaho ng isang EXP laner sa koponan ang mga sumusunod:
Makuha ang Level 4 bago lumabas ang unang Turtle
Dahil siya ang nasa lane kung saan lumalabas ang special siege minions na may extra EXP reward, ang pinakaunang layunin ng isang EXP laner ay makatuntong ng Level 4 para makuha ang ultimate skill bago pa lumabas ang una sa pinakamahahalagang objectives sa laro–ang Turtle.
Kadalasan kasi ang ultimate ng EXP laner ay ang kanyang AoE (area of effect) crowd control o ‘di kaya naman ang kanyang malakas na sustain ability na mahalaga para siguradong mapatay ng jungler ang unang Turtle.
Para makuha agad ang Level 4, kailangan ng EXP laner na malimas ang unang tatlong wave ng minions. ‘Pag nagawa niya na ito, mayroon pa siyang ilang segundo para pumuwesto sa paligid ng Turtle pit para ma-zone out ang mga kalaban at mabigyan ng magandang posisyon ang kanyang koponan para masiguro ang unang Turtle objective.
Talunin ang katapat sa lane o kaya manatili dito sa early game hangga’t kaya
Katulad sa gold lane kung saan ang labanan ay 1v1 with the great one, tagisan ng mechanical skills at poking ability ang madalas na nakikita sa EXP lane. Importante na solido ang micro skills at timing sa pagbato ng spells ng isang EXP laner para ma-solo kill ang kanyang katapat o mapalayas ito sa lane. Maigi rin na mapaalis ang katapat sa lane para makasunggab ng extra gold na binibigay ng outer turret energy shield sa unang limang minuto ng laro. Kaya may mga pagkakataon na Execute ang ginagamit na battle spell dahil dito.
Kung dehado naman, hangga’t maaari ay mag-sustain sa lane o magtago lang muna sa bush bago lumapit sa range kung saan makakakuha ng EXP mula sa special siege minions.
Kinakailangan din ng EXP laner na ma-survive ang mga posibleng gank sa para mabigyan ang kanyang mga kakampi ng oras na makaresponde, o kung hindi kayang maka-survive ay mabigyan na lang ng space ang ibang kakampi na mag-farm.
Kadalasan din, ang mga EXP laner ay nagka-cut ng minion waves para sa mas mabilis na pagkuha ng resources o kaya pagpuwersa sa mga kalaban na mag-rotate sa kanya. Kailangan maging maingat kapag gagawin ito at siguraduhing alam ang respawn timing ng minions at mga lugar sa lane kung saan hindi tatamaan ng turret attacks.
Sumama sa mga mahahalagang team fight
Kapag naubos na ang special siege minions, inaasahan na ang EXP laner na sumama sa mga team fight na agarang sinusundan ng objective tulad ng pagkuha sa mga susunod na Turtle, pagbasag ng mga turret o pagselyo sa Lord. Kaya naman ilan sa mga sikat na EXP laner ang may mobility spell para agad na makalapit sa mga kakampi at maka-group up para sa paparating na clash.
Sa pagkakataong ito, inaasahang mataas na ang level niya at kumpleto na rin ang kanyang team fighting kit na binubuo ng crowd control at sustain spells para makapag-initiate o kaya makapag-counter initiate.
May mga oras din na kinakailangang rumesponde ng EXP laner kapag nag-invade ang kalaban kaya naman maganda kung malakas na agad ang mga skill niya.
Pumronta at tumagal sa mga clash
Gamit ang angking kunat o sustain nito, ang EXP laner ang nagsisilbing pangalawang tank ng isang koponan pagdating sa mga team fight. Sa mga pagkakataong ang roamer ng koponan ay hindi isang tank hero, ginagampanan ng EXP laner ang trabaho na tumangke ng damage mula sa kalaban.
Importante na ma-sustain niya ang kanyang buhay sa mga clash para patuloy na makapagbato ng crowd control abilities at kunin ang atensyon ng mga kalaban palayo sa mga pangunahing damage dealer ng koponan sa anyo ng jungler at gold laner.
Kaya naman nirerekomenda para sa isang EXP laner ang mag-build ng mga item na may life steal/spell vamp kaakibat ang cooldown reduction tulad ng Bloodlust Axe maging ng mga defensive item gaya ng Brute Force Breastplate, Oracle at Immortality.
Mag-split push o depensahan ang split push ng kalaban
Dahil sila ang kumbaga may hybrid na atake at depensa, minsan inaatasan ang mga EXP laner na mag-split push sa mga pagkakataong dehado ang koponan. Ginagawa ito para mapilitang rumesponde ang mga kalaban na siyang nagbibigay ng space para sa mga kakampi na mag-farm nang ligtas. May pagkakataong nagreresulta rin ito sa panalo katulad ng ginawa ni Renejay “RENEJAY” Barcarse kasama si John Paul “H2wo” Salonga sa unang paghaharap ng Nexplay EVOS at Smart Omega sa MPL Philippines Season 8.
Sa kabilang banda, minsan ang EXP laner din ang nakatoka na dumepensa kapag nag-i-split push ang isa o ilang kalaban na hero. Dahil nga may kakayahan itong mag-sustain at magbitaw ng damage, kaya niyang mag-clear ng minion wave nang hindi namamatay. Kadalasan din ay mayroon itong mobility spell kaya mas mabilis na makakabalik sa mga kakampi.
Siguruhin lang na kapag dumedepensa kontra sa split push ay mag-focus sa pag-clear ng minions sa pamamagitan ng pagtutok ng spells dito at agad na umalis kapag natapos ang trabaho para makabalik sa iyong koponan o makapag-regen sa base.
Ilan sa mga hero na swak gumanap bilang EXP laner
Heto naman ang ilan sa mga hero na bagay para sa role na ito:
Paquito
Swak na swak ang Manny Pacquio-inspired hero na si Paquito para sa role na ito kaya naman simula nang ilabas ito hindi lang ito naging staple pick sa MPL Philippines kundi sa iba pang rehiyon at international stage.
Kayang-kaya dominahin ng Heavenly Fist ang halos lahat ng EXP lane matchup dahil sa kanyang mga solidong spell na Heavy Left Punch (1st skill) at Jab (2nd) na lumalakas at nare-reset pa ang cooldown dahil sa kanyang passive na Champ Stance. Nagbibigay din ng disenteng shield ang kanyang 1st skill kapag napatama ito sa hero kaya mayroon din siyang pang-sustain sa 1v1.
Pagdating naman ng Level 4 ay nakukuha na niya ang kanyang ultimate na Knockout Strike na nagsisilbing reliable crowd control niya. Pinapaatras nito ang mga kalaban na tatamaan ng unang sapak at slow naman sa pangalawa. Kapag enhanced ng Champ Stance, nakakapag-airborne ito kaya mas madaling mapitas ang tatamaan nito.
Esmeralda
Isa rin sa mga paboritong EXP laner sa pro scene at ranked games si Esmeralda. Sakto ang Astrologer sa role na ito dahil sa kanyang sustain at pinaghalong magic at physical damage.
Kung sustain lang ang pag-uusapan, hinding-hindi kakapusin ang mage/tank na ito kapag mayroon na siyang Enchanted Talisman dahil halos unlimited na ang paggamit niya ng Frostmoon Shield (1st skill) at Stardust Dance (2nd) na maaaring makapagbigay sa kanya ng shield na kasinglaki ng kalahati ng buhay niya. Mayroon din siyang AoE crowd control sa anyo ng kanyang ultimate na Falling Starmoon.
Kapag hindi nagamitan ng mga pangontra ang isang Esmeralda tulad ng Dominance Ice at Sea Halberd, siguradong mahihirapan ang mga kalaban na patumbahin siya kahit na gumita pa siya sa mga team fight.
Barats
Halos hindi rin nawawala sa EXP lane si Barats. Nagsisilbing bentahe ng Dino Rider ang kanyang taglay na kunat at matinding poke damage.
Nagmumula ang kanyang sustain sa passive na Big Guy na nagbibigay ng physical at magic defense. Pinapalakas din nito at nilalagyan ng slow effect ang kanyang basic attack kaya naman mahirap makipag-1v1 sa kanya lalo na ‘pag mayroon na siyang pang-mana regen.
Ang kanyang So-Called Teamwork (1st skill) ay may AoE slow habang ang kanyang Missile Expert ay nagtutulak ng mga kalaban papunta sa kanyang direksyon at may halong stun din.
Pero ang ultimate skill na Detona’s Welcome talaga ang pinakamabisang team fighting tool ni Barats. Bagamat single target, epektibo ito para ma-out-of-position at ma-lockdown ang kalaban na jungler, tank o kapwa EXP laner na humaharap sa clash. Halos matik nang burado ang sinumang hero na makakain at madudura niya gamit ang Detona’s Welcome.
Bukod kila Paquito, Esmeralda at Barats, mabisang EXP laner din sila Thamuz, Khaleed, Yu Zhong, Lapu-Lapu, Ruby, Uranus at Phoveus dahil sa kanilang solidong sustain at reliable crowd control spells.
Makakabasa pa kayo ng iba pang guides tungkol sa roles at sa Mobile Legends sa kabuuan dito sa ONE Esports Philippines. I-like ang Facebook page ng aming website para masubaybayan ang mga guide at balita patungkol sa MLBB.