Sa kabila ng iba’t-ibang isyung hinarap ng SIBOL MLBB, malaki pa rin ang kumpyansa ni Aniel “Master The Basics” Jiandani sa paghahanda ng koponan para makuha ang inaasam na gintong medalya sa International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022).
Bilang assistant coach ng Blacklist International, nasa Bali, Indonesia rin si Master The Basics para suportahan ang koponan ng Pilipinas sa naturang torneo na binubuo ng main five ng Blacklist at dalawang manlalaro ng Maharlika Esports.
Master The Basics sa paghahanda ng SIBOL MLBB para sa IESF WEC 2022
Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, sinabi ni Master The Basics na wala silang ginawang espesyal na preparasyon para sa bawat kalabang koponan sa pandaigdigang kompetisyon.
“Bawat team na makakalaban natin dapat ready tayo lagi. ‘Yung preparation natin talaga is for all the team. Hindi siya single team lang.”
Inilahad din ng kilalang Mobile Legends guide creator sa YouTube ang mga adjustment na kinailangan nilang gawin paglapag sa Indonesia.
“In-adjust namin ‘yung lahat ng ginagawa namin. Ang nahirapan talaga kami dito, pagdating namin ‘di na kami nakapag-practice so parang ‘yung huling practice talaga namin na maayos is noong bago kami umalis. Eh ilang araw din hindi nakapaglaro,” saad niya.
“Tapos pagdating pa namin dito, ang dami naming hindi alam. Like ‘yun nga, ‘yung phone. Tapos wala palang practice area. ‘Yung internet is hindi rin ganun ka-okay. So, medyo hindi namin in-expect ‘yung ganun. Parang ngayon pa lang kami nakakapag-adjust sa mga nangyari.”
Gayunpaman, hindi naman umano masyadong naapektuhan ng mga isyung ito ang inihandang stratehiya ng SIBOL MLBB, na sinagasaan ang Slovenia, Argentina at Malaysia sa lower bracket para siguruhin ang at least bronze medal sa torneo.
“Hindi ganun kalaki ‘yung effect sa strat. Kasi kaya i-pull off ‘yung strat eh. Ang problema talaga natin is ‘yung mga adjustment natin dito sa lugar.”
At ngayon na ilang araw na rin ang inilagi nila sa karatig na bansa at ilang laban na rin ang napagdaanan nila, kumpyansa si Master The Basics na mas magiging mainam na ang paghahanda nila para sa mga nalalabing bahagi ng IESF WEC 2022.
“Tingin ko mas maganda na ‘yung magiging preparation ngayon kasi sanay na kami at nakapag-adjust na. Humahanap na lang din kami ng mga paraan para sa mga kung anong wala. Katulad nung kung saan ‘ba ‘yung may mas magandang internet, saan ba ‘yung mga magandang location. Naghahanap na kami ng mga solution sa mga problema natin.”
Kakalabanin ng SIBOL MLBB ang Cambodia na kinakatawan ng Impunity KH sa lower bracket finals sa ika-10 ng Disyembre, alas tres ng hapon.
Ang magwawagi ay aabante upang harapin ang Indonesia, na may tangan na agad na 1-0 series lead bilang upper bracket winner, sa best-of-5 gold medal match sa susunod na araw.
Para sa iba pang balita patungkol sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.