Nagpakilala si Occupy Thrones ace jungler Mustafa “Lio” Mahmoud sa M4 World Championship nang pauwiin nila ang Malvinas Gaming sa iskor na 2-0 sa lower bracket round 1.

Tinuldukan ni Lio ang kapana-panabik na Game 1 sa pamamagitan ng mautak na segway play gamit ang Fanny. Pagsapit ng Game 2, ipinamalas naman niya ang talas ng kanyang Ling na tumikada ng 4/1/5 KDA.

Bilang isa sa mga umaangat na baguhan sa Mobile Legends professional scene, inilahad ng Egyptian core ng MPL MENA (Middle East & North Africa) Fall 2022 champions kung sino ang tinitingala niyang manlalaro.


Lio kay Kairi: ‘He’s such a great player

Lio ng Occupy Thrones
Credit: Moonton

Sa post-match interview matapos makaligtas sa unang bahagi ng laglagan sa torneo, ibinunyag ni Lio na mayroon siyang iniidolong manlalaro.

“Kairi,” tugon niya nang tangunin kung sino ito.

Paliwanag ni Lio: “Because my playstyle is like his.”

Sinabi niya na gusto niyang maabot ang lebel ng respetadong Pinoy import jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol, na bumibida ngayon para sa kasalukuyang hari ng MPL Indonesia na ONIC Esports.

“He’s such a great player and I wish to be like him one day,” saad niya.

Credit: Moonton

Hindi pa nagtatagpo sa bakbakan sina Lio at Kairi sa M4. Maaari silang magkita sa lower bracket quarterfinals kung magpapatuloy ang kampanya ng Occupy Thrones at matatalo ang ONIC ID sa ECHO sa upper bracket semis.

Kung sakaling magkaroon ng tsansa ang top core player ng MENA na makaharap ang Filipino star, may iniwan siyang maanghang na mensahe para sa kanya.

Credit: Jeremiah Sevilla/ONE Esports

“You got to take care because I’m not an easy option.”

Sunod na kalaban ng Occupy Thrones, na ginagabayan ni Pinoy coach Ameniel “Mundo” Del Mundo, ang mapanganib na MPL Brazil champs RRQ Akira.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.