Marami ang napataas ang kilay sa Lesley pick ng Smart Omega sa kanilang mainit na best-of-5 laglagan laban sa Bren Esports sa MPL PH Season 10 playoffs.

Lamang ng 2-0 at hawak na ang match point sa naturang play-in series, lumabas sa unang pagkakataon sa MPL PH S10 ang kaka-revamp lang na marksman na binigay ng Omega sa kamay ni gold laner Duane “Kelra” Pillas. Ito ang napiling sagot ng koponan sa first pick Claude ng Bren sa Game 3 kahit pa naiwang bukas ang signature Beatrix ni Kelra pati ang iba pang pagpipilian tulad ng Irithel, Clint at Melissa.

Sa kasamaang palad, natalo ang Barangay sa laro at naagaw ng The Hive ang momentum. Mula dito ay umarangkada na ang Bren patungo sa 3-2 reverse sweep laban sa itinuturing na lason sa playoffs.

Sa post-match press conference, ibinahagi ni Bren Esports coach Jian Paulo “Pauloxpert” Munsayac ang kanyang opinyon patungkol sa Lesley pick ng Smart Omega.


Viable pick ang Lesley ng Smart Omega sa Game 3, sabi ni Bren Esports coach Pauloxpert

Credit: ONE Esports

Ayon kay coach Pauloxpert, may matibay na rason naman ang pag-pick ng Lesley ng Omega laban sa kanilang Claude. “Sa mga nakaka-scrim namin at least, Lesley is actually a viable pick against Claude,” paliwanag niya.

“So ‘yun ang pinapangtapat nila sa lane kasi kahit mag-Wind of Nature ka may true damage ‘yung Lesley sa passive eh. Kahit pumasok ‘yung Claude, minsan nawa-one hit siya sa late game,” paliwanag pa ni coach Pau.

Bukod din sa reworked Lethal Shot passive ng Lesley na may true damage na ngayon sa Mobile Legends patch 1.7.20, naiiwasan din niya ang Blazing Duet ultimate ng Claude gamit lang ang first skill na Master of Camouflage. Maging ang second skill niya na Tactical Grenade ay nakaka-cancel ng Blazing Duet.

Revamped Lesley sa MLBB patch 1.7.20
Credit: Moonton

Sa Game 3 ng salpukang Omega at Bren, nagpakita naman ng magandang laro si Kelra gamit ang Deadly Sniper. Hindi siya namatay sa 16 minutong bakbakan at nakapagtala pa ng 2 kills kasama ang 3 assists. Sa mid hanggang late game, nagsimula nang bumakat ang basic attacks ng Lesley ni Kelra at sa katunayan pa nga ay siya ang nakapaglista ng pinakamataas na damage na umabot sa halos 57K.

Pero paano nga ba ito nasolusyunan ng Bren Esports? “Ang problema nila, nag-Yu Zhong kasi kami and Pharsa so medyo mahirap mag-position as Lesley kapag maraming pang-backline,” saad ni coach Pau.



Mabisang na-zone out ng last pick Yu Zhong ni Vincent “Pandora” Unigo at Pharsa ni Pheww si Kelra gamit ang kanilang Black Dragon Form at Feathered Air Strike ultimate kaya naman hindi basta-basta nakakabaril ang Lesley sa mga objective at team fights. May tank Chou din ang Bren na lalong nagpahirap sa pagpwesto ng nasabing marksman.

Dahil dito, nasiguro ng Bren Esports ang Lord takes at lamang sila sa damage output pagdating sa mga clash. Naselyo ng The Hive ang panalo sa Game 3 at nagtuloy-tuloy ang kanilang tagumpay sa serye para makaabante sa upper bracket.

Sunod nilang haharapin ang Blacklist International sa isang best-of-5 series ngayong Biyernes sa ganap na ika-5 ng hapon. Ang mananalo dito ay uusad sa upper bracket finals kung saan posibleng nakataya ang unang slot ng Pilipinas sa M4 World Championship.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.