Sa kanyang pagbabalik sa dekalibreng competitive scene, agad na nagpakitang-gilas si jungler Michael “MP the King” Endino sa pamamagitan ng paglabas ng Lancelot tank build sa unang araw ng MDL PH Season 1.
Malaki ang ginampanang trabaho ng kakaibang Lancelot ni MP the King upang makuha ng Smart Omega Neos ang panalo sa Game 1 kontra TNC Neo at tuluyang ibulsa ang 2-0 sweep para sa matagumpay na pagbubukas ng kanilang kampanya sa bagong liga.
Pero bakit nga ba gumana ang item build ng 18-year-old Ilonggo player na sobrang bihirang gawin sa nabanggit na assassin? Narito ang ilan sa mga dahilan.
4 rason kung bakit epektibo ang Lancelot tank build ni OMGN MP the King
1. Mabilis pa rin pumatay ng jungle creeps, Turtle at Lord
Kahit hindi magpokus sa pagbili ng damage items, matulin pa ring nakakapaslang ang Lancelot tank build ng jungle creeps pati na rin ng Turtle at Lord salamat sa passive ability ng Retribution na Hunter. Gawa nito, nakakapag-deal ng True Damage per second sa loob ng 3 segundo sa creeps na nakabase sa hero level at health points (HP), na napapalaki ng defensive items.
Dagdag pa rito ang Demon Slayer talent ng Jungle emblem na ginamit ni MP the King. Nakakapagbigay ito ng karagdagang 20% damage sa Turtle at Lord, at nakakabawas ng natatanggap na damage nang parehong porsyento mula sa nabanggit na neutral objectives.
2. Mabisang pangontra sa invade
Madaling ma-invade sa jungle ang isang Lancelot lalo na kapag naka-Assassin emblem ito. Malambot ang ganitong klase ng Lancelot dahil walang binibigay na karagdagang HP ang Assassin emblem at nakatuon sa pagbuo ng damage items.
Sa kaso rin ng laro nila MP the King, pumili ang TNC Neo ng jungle Akai at tank Chou — mga heroes na pamoso sa pag-invade dahil sa kanilang crowd control skills. Bagamat may ilang pagkakataon na naagawan siya ng purple buff, ‘di pa rin siya tuluyang na-shut down ng TNC.
3. Kayang mang-poke at humarap sa pagkuha ng objectives
Kitang-kita sa laro ni MP the King ang walang katakot-takot na pag-poke sa mga kalaban upang masiguro ng Omega Neos ang objectives. Dulot ng Soul cutter passive ni Lancelot, nakakapagbitaw siya ng paunti-unting damage sa mga kalaban at minsan ay napapatumba pa nga ang mga malalambot na heroes, dahilan para lumayo ang mga ito habang sinisiguro nila ang objectives.
Sa huling dalawang Turtle fights, nasaksihan ang husay ng jungler sa pagkuha ng objectives kahit pa maraming CC ang kalaban. Maging sa mga Lord dance ay dina-dive niya ang backline ng TNC Neo. Isa pa sa mga highlight ang ginawa niya sa 10-minute mark kung saan makailang-ulit siyang nag-dash para pasukin ang base ng kalaban at guluhin ang Valentina upang mabasag nila ang inhibitor turret sa top lane.
4. Solidong tangke at panggulo sa team fights
Hindi madaling mapatumba ang Lancelot tank build ni MP the King. Kaya naman hindi siya takot na pasukin ang mga kalaban, puwersahin sila na gumamit ng maraming resources at maka-survive sa kabila ng lahat ng ibinitaw sa kanya.
Ang ganitong Lancelot ay hindi iyong tipo na core damage dealer. Kaya nararapat lang na pumili ng ibang heroes na magbibitaw ng damage sa kalaban. Gaya ng ginawa ng Smart Omega Neos na nagpakita ng tamang timpla ng physical at magic damage sa pamamagitan ng pagkuha ng kakaibang mid lane Lapu-Lapu, EXP lane Martis, gold lane Harith at roam Kadita.
Items ng Lancelot tank build ni MP the King
- Tough Boots (Ice Retribution)
- Cursed Helmet
- Athena’s Shield
- Brute Force Breastplate
- Guardian Helmet
- Dominance Ice
Tila pareho ang konsepto nito sa jungle Karina tank build na popular sa Mobile Legends pro scene.
Sa early game, bumili muna ang former Nexplay EVOS jungler ng casual Molten Essence at Silence Robe bago kunin ang kanyang unang core item na Brute Force Breastplate. Ginawa niya itong kapalitan ng Immortality sa late game.
Subaybayan ang mga laro sa opisyal na YouTube channel at Facebook page ng MDL Philippines.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.