Walang kakaba-kaba si rookie jungler Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson sa kanyang debut sa international stage. Pinangunahan niya ang 2-1 panalo ng Bren Esports laban sa Bigetron Alpha ng Indonesia sa ikalawang araw ng ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Nagpasiklab ang “The Phenom” ng MPL Philippines Season 10 gamit ang kanyang matalas na Ling sa do-or-die Game 3 para sindihan ang matagumpay na pagbabalik ng M2 world champion organization sa international level.
Umabante ang Bren sa bracket nila MPL Indonesia Season 10 champions Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports. Sunod nilang haharapin ang EVOS Legends na pinatalsik ang idolo ni KyleTzy na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno at ECHO.
“I’m super confident against EVOS Legends. I want to get revenge for my idol KarlTzy,” wika ng 17-year-old rising star sa post-match interview.
Laglag naman na agad sa torneo sina Pinoy gold laner Marky “Markyyyyy” Capacio at Bigetron sa 20-team tournament.
Ling ni KyleTzy tinuhog ang Bigetron Alpha para makaabante ang Bren Esports sa MPLI 2022
Inilabas ng Bren Esports ang isa sa mga alas ni KyleTzy na Ling sa deciding Game 3. ‘Di naman niya binigo ang kanyang koponan at siniguradong ‘di sila agad matatanggal sa unang international tournament ng organisasyon matapos ang ilang seasons.
Lamang agad ang Bren sa early game dahil siniguro ni KyleTzy na makukuha nila ang lahat ng Turtle. Kaliwa’t-kanan din ang pagpitas niya sa mga miyembro ng Bigetron Alpha at pagnakaw sa mga buff kaya naman ‘di na sila nagkaroon ng tsansa na maka-comeback.
Matapos kunin ang Enhanced Lord, kumana si KyleTzy ng double kill at tuluyang sinelyo ng Bren ang dominanteng panalo sa loob ng 14 minuto. Tumikada ang bagitong jungler ng 6/0/8 KDA para sa 93% kill participation. Nagtala rin si KyleTzy ng nakakamanghang 1032 gold per minute at binitaw ang pinakamataas na damage na umabot sa lagpas 54K.
Dikit naman ang laban sa pagitan ng dalawang koponan sa Game 1. Bagamat nasisiguro ng Bren ang Turtle objectives, hindi pa rin sila tuluyang makapiglas palayo sa Bigetron. Pero pagdating ng 11-minute mark, nakaalagwa nang tuluyan ang Bees dahil sa malupit na setup play ni rookie roamer Rowgien “Owgwen” Unigo gamit ang Lolita sa mid lane.
Ikinasa ni Owgwen ang Noumenon Blast ultimate mula sa bush sabay Flicker paharap para hulihin ang tatlong miyembro ng Bigetron. Agad na nag-follow up ang kanyang mga kakampi para i-burst down ang mga kalaban bago i-secure ang Enhanced Lord. Nanatiling disiplinado ang Bren upang malinis na maisara ang panalo matapos ang 18 minuto.
‘Di naman basta nagpadarag Bigetron Alpha at bumawi sa Game 2 sa likod ng Lesley ni Markyyyyy. Nakontra niya ang Claude sa lane at maagang na-farm ang kanyang core items salamat na rin sa proteksyon mula sa Diggie ni Hengky “Kyy” Kurniawan.
Dala rin ng saktong Times Journey ni Kyy, madaling nabibitawan ni Markyyyy ang mahahapdi niyang bala na kung ‘di makapatay ay bumabakat naman sa HP ng mga miyembro ng Bren. Sa kabuuan, mahigit 70K damage ang pinakawalan ng Pinoy player para tulungan ang BTR na maitabla ang serye ngunit sa huli ay kinapos pa rin silang ilista ang reverse sweep.
Makakakuha sina Markyyyyy at Bigetron Alpha ng US$1,000 USD, o mahigit ₱58,000 na premyo.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ferxiic bumida sa panalo ng EVOS Legends kontra ECHO sa MPLI 2022