Markado ang EVOS Legends sa jungler ng BREN Esports na si Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson.
Matapos ang tagumpay ng pambato ng Pilipinas kontra Bigetron Alpha sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022), tinanong ang rookie of the season ng MPL Philippines Season 10 kung kumpiyansa ba siya laban sa susunod nilang kalaban.
“Yes, I’m super confident against EVOS Legends,” sagot ni KyleTzy. “I want to [avenge] my idol KarlTzy.”
(Oo, kumpiyansa ako kontra EVOS Legends. Gusto ko maghiganti para sa idol ko na si KarlTzy.)
KyleTzy at BREN Esports, babawian ang EVOS Legends sa MPLI 2022
Para maka-abante sa turneo at makaharap ang BREN Esports, kinailangang ilaglag ng EVOS Legends ang ECHO sa MPLI 2022.
Na-upset ng White Tigers ang mga Orca sa tulong ng pagpapakitang-gilas ng nagbabalik-main roster na si Ferdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin. Nagtala ang beteranong jungler ng kabuuang 11 kills sa kanilang mga panalo gamit ang Paquito at Gusion.
Marami ang nagbigla sa naging resulta ng laban, lalo na’t hindi naging maganda ang kampanya ng EVOS Legends sa MPL Indonesia Season 10. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi, bigong makalagpas sa playoffs ang koponan.
Kabaligtaran nito ang ipinamalas na resulta ng ECHO noong nagdaang season ng MPL Philippines. Matapos kasi ang kabiguan nilang makalagpas sa play-ins noong nakaraang leg, nagawang tapusin nina Tristan “Yawi” Cabrera ang kanilang kampanya sa ikalawang puwesto.
Samantala, nagtutuloy-tuloy naman ang magandang performance ng BREN Esports. Nagsilbing susi si KyleTzy para mailaglag ang Bigetron Alpha sa MPLI 2022. Nagpapakitang-gilas ang 17-taong-gulang na manlalaro gamit ang Ling sa huling mapa ng serye para maselyo ang panalo.
Maghaharap ang BREN Esports at EVOS Legends sa quarterfinals ng turneo. Ang mananalo ay makaka-abante sa semifinal kung saan naghihintay ang ONIC Esports, ang kampeon ng MPL ID Season 10 at humubog sa naturang grupo.
Nakatakdang ganapin ang bakbakan ng pamabato ng Indonesia at kinatawan ng Pilipinas sa ika-apat ng Nobyembre, 6:20 p.m. Maaaring subaybayan ang mga laban sa opisyal na Facebook, TikTok, Twitch, Twitter, at YouTube ng ONE Esports.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: EVOS Legends layuning ipanalo ang MPLI 2022, hindi natatakot sa mga PH teams | ONE Esports Philippines