Hindi binigo ni rookie jungler Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson ang kanyang idolong si Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno matapos pangunahan ang pagsipa ng Bren Esports sa EVOS Legends ng Indonesia, 2-1, ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Gigil dahil maagang nilaglag ng EVOS sina KarlTzy at ECHO, solidong laro ang ipinamalas ni KyleTzy sa deciding Game 3 para makalipad ang Bren patungo sa quarterfinals laban sa MPL Indonesia Season 10 champion na ONIC Esports ni Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol.
Akai ni KyleTzy bumida sa tagumpay ng Bren Esports kontra EVOS Legends sa MPLI 2022
Pagkatapos ng balugbugan sa unang dalawang laban, ipinakita ng Bren Esports ang kanilang disiplina at metodikong pag-atake sa pangunguna ng Akai ni KyleTzy sa do-or-die Game 3. Ginampanan lang ng MPL Philippines Rookie of the Season ang kanyang trabaho at sinelyo ang tatlong Turtle para manatiling liyamado ang kanyang koponan.
Sa bandang 10 minuto, matapos kunin ang Lord, pasensyosong naghintay si KyleTzy para sa tamang pagkakataon na gawin ang game-winning play. Habang nagpu-push ang Lord sa top inhibitor turret, inipit ni KyleTzy ang tatlong miyembro ng EVOS Legends na agad binura ng kanyang mga kakampi upang ipako ang panalo.
Ginulat naman ng Bren Esports ang EVOS Legends nang mag-pick sila ng unorthodox mid Saber para kay Angelo “Pheww” Arcangel at gold lane Harith para kay Marco “SUPER MARCO” Requitano sa Game 1. Kasama pa ang Julian ni KyleTzy at Benedetta ni David “FlapTzy” Canon, hindi tumigil ang Bees sa pagputakte sa White Tigers at pagpapatahimik sa kanilang star jungler na si Ferdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin.
Pinangunahan nila KyleTzy at SUPER MARCO ang pag-ubos sa EVOS sa huling clash para tapusin ang 25-6 pandudurog sa loob ng 17 minuto. Hinirang na MVP si SUPER MARCO na bukod sa kumana ng perpektong 9/0/8 KDA ay binitaw din ang pinakamalaking damage na umabot sa 93K.
Pagdating ng Game 2, binalik ng EVOS Legends ang kanilang matagumpay ngunit kontrobersyal na Masha pick sa kamay ni Rizqi “Saykots” Damank. Kinumpirma na ng Moonton at MPLI organizers na hindi na gumagana ang “HP bug” sa nasabing hero sa tournament mode kaya pinayagan na nila itong magamit ulit sa Day 3 ng torneo.
Susi ang mga galawan ni Saykots para maipuwersa ng White Tigers ang decider. Maaga siyang nag-invade sa orange buff at laging tinatarget ang Wanwan ni SUPER MARCO sa mga team fight. Pinain niya rin ang Bees na pinuksa ng kanyang mga kakampi para makuha ang 13-minute victory, ngunit hindi na sila nakaulit sa huling laro.
Lumapag ang EVOS Legends sa 9th-12th place ng 20-team tournament na may kaakibat na premyong US$2,000 o nasa PHP117,000.
Samantala, magpapatuloy naman ang kampanya ng Bren Esports laban sa ONIC ID bukas sa ganap na 6:20 ng gabi.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.