Ipinaalam ni Kiel VJ “Kielvj” Hernandez na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mga umuusbong na manlalaro nang sumalang ang kanyang koponan na Omega Neos sa unang araw ng Mobile Legends: Bang Bang Development League Philippines (MDL PH) Season 1.
Gamit ang kakaibang mid lane Lapu-Lapu, pinaandar ni “The King” Kielvj ang 2-0 sweep ng Omega Neos kontra TNC Neo sa huling serye ng kauna-unahang match day ng MDL PH.
Bago ang panalo ng MDL squad ng Smart Omega, nagwagi rin ang GameLab, ONIC Arsenals at Bren Euphoria Esports sa Day 1.
Recap ng MDL PH S1 Week 1 Day 1
GameLab pumihit ng comeback para sa 2-0 sweep kontra RSG Ignite
Binura ng GameLab ang mahigit 8K gold at 14-2 kill score lead ng RSG Ignite upang ilista ang malupit na 21-minute comeback sa kauna-unahang laro ng liga. Hindi na nakabangon ang RSG Ignite mula sa nakakalugmok na pagkatalo at tinuluyan sila ng GameLab na mabilis tinapos ang Game 2 sa loob lang ng 12 minuto.
Nanguna sa parehong laro ng pambukas na serye si mid laner Jermaine “Aizawa” Fernandez na kumana ng 6/3/3 KDA gamit ang Valentina sa Game 1 at 6/0/7 KDA gamit naman ang Pharsa sa Game 2.
ONIC Arsenals pinaamo ang NXPE Tiger Cubs, 2-0
Kinuha nila Ralph “Dudut” Adrales at ONIC Arsenals ang kanilang unang game victory sa MDL PH sa loob lang ng 14 minuto kontra NXPE Tiger Cubs. Bagamat mas dikdikan ang laban sa Game 2, nanaig pa rin ang ONIC matapos ang 18 minutong bakbakan.
Bumida sina mid laner Jerry Ian “Chovyy” Nicol gamit ang Pharsa (8/1/7 KDA sa Game 1) at gold laner Bert Patrick “Bert” Segovia gamit ang Claude (3/1/8 KDA) sa naturang serye.
Bren Euphoria Esports pinadapa ang ZOL Esports, 2-0
Hindi nagpasindak ang Bren Euphoria Esports sa itinuturing na MLBB GOAT na si Carlito “Dii Ribo” Ribo at kanyang ZOL Esports. Dinomina ng Bren Euphoria ang ikatlong serye ng araw sa likod nila mid laner Joshua “RYUJIN” Ramos at roamer Czedrick “Yoshinu” Romero.
Kumamada si RYUJIN ng 5/0/7 KDA at 100% KP gamit ang kanyang Pharsa sa Game 1 habang nagsilbing matibay na haligi si Yoshinu sa kanyang Estes na naglista ng 2/0/9 KDA at 92% KP sa Game 2.
Kielvj, Omega Neos pinataob ang TNC Neo, 2-0
Unang laban pa lang ng Omega Neos sa MDL PH ay naglabas agad sila ng sorpresa sa pamamagitan ng mid lane Lapu-Lapu ni Kielvj. Pinasimulan ng 2-time MPL champion ang pag-arangkada ng koponan patungo sa 19-minute win kung saan tumikada siya ng 4/1/11 KDA at 94% kill participation.
Nagpakita rin sila ng kakaibang Lancelot tank build sa kamay ni former NXP EVOS jungler Michael “MP the King” Endino sa Game 1. Mula rito ay ‘di na binitawan ng Omega Neos ang mainit na momentum papuntang Game 2 para iselyo ang 2-0 panalong tinuldukan ng Moskov ni gold laner Christian “West” Mangabay na nagtala ng 7/1/2 KDA.
Subaybayan ang mga laro sa opisyal na YouTube channel at Facebook page ng MDL Philippines.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.