Nakaabang na sina Duane “Kelra” Pillas, Jomie “Coach Pakbet” Abalos at ang lupon ng Smart Omega sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Nakapasok ang Barangay sa post-regular season matapos nilang paluhurin ang Nexplay EVOS sa ikalawang pagkakataon ngayong Season 10 sa iskor na 2-1 noong Week 7 Day 1.

May natitira pang isang match ang OMG sa huling linggo, pero nakatutok na ang mga mata nila Kelra at Coach Pakbet sa mga nais nilang makatapat at agad na ilaglag sa paparating na MPL PH S10 playoffs.


Ito ang mga koponang minamata nila Kelra at Coach Pakbet sa
MPL PH S10 playoffs

Kelra
Credit: MPL Philippines

Para kay Kelra, gusto niyang makaharap agad sa playoffs ang rookies ng ONIC PH na binawian nila noong Sabado sa pamamagitan ng malinis na 2-0 sweep.

“Gigil na gigil ako kasi natalo kami ng mga ‘yun eh ayokong matalo sa kanila,” wika ng 17-year-old star gold laner. “Actually, sila nga ‘yung gusto kong makatapat sa playoffs agad.”

Sa kabilang banda, nais naman ni Coach Pakbet na makatunggali agad ang mga bigating koponan. Tinukoy niya ang reigning world champion Blacklist International at defending MPL PH at MSC champion RSG PH.

Credit: ONE Esports

“Pinakatinitignan namin siguro ‘yung mga champion. Gusto ko Blacklist or RSG ‘yung makatapat namin sa unang (round) ng playoffs kasi gusto namin na sila agad ‘yung talunin para dire-diretso ‘yung playoff run namin. Sila kasi ‘yung nakikita naming malakas din sa playoffs eh,” paglalahad ng beterano ng liga.

Ramdam din umano ni Coach Pakbet na sila ang pinupuntirya ng mga koponan dahil madalas silang lumalabas na lason pagsapit ng mahalagang bahagi ng season. Ilang koponan ang nilaglag ng OMG upang makatungtong sa grand finals noong Season 8 (kung saan parte pa sila ng Execration) at Season 9.

“Lahat ng teams nakatingin ngayon sa’min. Pinaghahandaan kami kahit hindi kami ‘yung kalaban,” ani niya. “Kailangan namin mas pagbutihan dahil lahat ng teams ngayon sa MPL nakatingin sa’min kasi kami lagi ‘yung nanlalaglag eh.”

May huling linggo pa ng regular season bago malaman ng Smart Omega ang makakaharap nila sa playoffs.


Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL at MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.