Sa kanyang pagpasok sa main five ng ONIC PH, muling nagpakilala si roamer Jefferdson “Kekedoot” Mogol sa kanilang debut match sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL H) Season 11.

Bumida siya sa deciding Game 3 gamit ang kanyang Kaja para supalpalin ang tangka ng Smart Omega na maka-reverse sweep at ipako ang 2-1 panalo sa kanilang unang serye ngayong season.

Credit: MPL Philippines

Bakas sa laro ni Kekedoot ang kanyang pananabik na makaakyat sa starting lineup ng koponan at makapagpakitang-gilas ulit sa entablado ng MPL PH. Bitbit niya ang motibasyon matapos magsilbing substitute player nang ilang seasons sa liga at magpalakas sa amateur scene.

Lalo pa siyang ganado sa pagpasok ng panibagong season dahil nalagpasan niya ang mapait na karanasang dinanas niya noong naglaro siya para sa Cignal Ultra noong MPL PH Season 7 kung saan lumubog sila sa 0-13 series record.


Ikinuwento ni ONIC Kekedoot kung paano nagbalik ang confidence niya na maglaro sa liga

Kekedoot at ONIC PH sa post-game interview matapos talunin ang Smart Omega sa MPL PH S11 W1D2
Credit: MPL Philippines

Inilahad ni Kekedoot ang kanyang saloobin sa pagkakaroon ng pagkakataon na makabalik sa MPL PH at maging bahagi pa ng main lineup ngayong season.

“Masaya kasi nakapaglaro po ulit ako. ‘Yung nangyari po sa Cignal (Ultra), parang nato-trauma na ko maglaro kasi nga wala akong panalo nun eh tapos nape-pressure ako ngayong season nung bago kami magpilian ng mga lalaro,” kuwento niya sa post-match press conference.

“Ginawa ko na lang ‘yung best ko kasi naisip ko wala namang mangyayari kung susuko agad ako. Maganda naman ‘yung nangyari kaya masaya ako.”

Credit: MPL Philippines

Naibahagi rin ng beteranong manlalaro kung paano niya naibalik ang kanyang kumpyansa na maglaro sa pinakaprestihiyosong liga ng Mobile Legends sa bansa.

“Sa tulong ng mga coach ko, ‘yung lagi nila akong tinutulungan, sinasabi nila na kailangan mag-move forward ka lang kasi tapos na ‘yun eh, nangyari na. Dapat lagi mong iisipin ‘yung mangyayari ngayon. Ayun tumaas ulit ‘yung confidence ko kasi nasa sarili ko na rin talaga ‘yun eh.”

Pinalitan ni Kekedoot sa main five ng ONIC si former captain Ralph “Rapidoot” Adrales (kilala rin sa IGN na Dudut), na pinangungunahan ngayon ang MDL PH squad nila na ONIC Arsenals.

Malaki ang impact ni Rapidoot sa Yellow Hedgehogs noong nakaraang season. Kaya naman masaya si Kekedoot na makuha ang tsansa na kuminang ngayong season at gayahin o lampasan pa ang nagawa ng dati nilang kapitan para sa koponan.

“Maganda ‘yung pinakita niya syempre kailangan kong mas higitan ‘yung nagawa niya last season.”

Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.