Susubukang yakagin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang kaniyang ECHO sa matarik na kumpetisyon sa gumugulong nang M4 World Championship.

Bukod sa personal na misyon na ipakitang siya pa rin ang isa sa pinakamagagaling na junglers sa buong mundo, batid daw ng 18-anyos na bahagi ng kaniyang gagampanan sa team ay ang maging sandigan ng kaniyang mga kakampi lalo pa’t siya natatanging player sa active lineup na may karanasan sa M World Series.

Credit: Karl Nepomuceno

Nauna ng inilabas ng ONE Esports Philippines ang plano ni KarlTzy na isalang ang mas desimuladong team player na bersyon niya sa prestihiyosong Mobile Legends event. At katuwang ng pagiging team player niya, aniya, ay ang pagpapayo ukol sa dapat na gawing mindset sa dikdikan sa Indonesia.


KarlTzy hinihikayat ang mga kakamping magkaroon ng kumpiyansa sa sarili sa M4

Credit: MPL Philippines

Sa parehong panayam, hindi itinago ni KarlTzy ang palagian niyang payo sa kaniyang mga kasamahan ngayong sasabak sila sa pinakamahirap na kumpetisyon ng kanilang mga karera. Ani ng M2 World Championship Most Valuable Player, “Huwag lang po kabahan tapos huwag mag-play safe. Kasi yun po madalas mali ng mga baguhan eh.”

Kahit pa daw sa gumulong na MPL Philippines Season 10, pansin niya na palaging pangamba ng rookies at sophomores ng ECHO ang magkaroon ng pagkakamali sa loob ng laro. Ang resulta, ay mga mintis na pagkakataon na maipanalo ang laro.

Paalala ng batikang jungler, “Natatakot po sila gumawa ng male eh [noong MPL].Okay lang magkamale.”

Credit: MPL Philippines

Bukod dito, patuloy daw ang babala niya sa kaniyang grupo na huwag ismolin ang makakatapat sa torneo dahil ito daw ang pinakamalaking aral na napulot niya sa karanasan sa M2.

“Kasi po sa M2 noon, natalo kami sa Burmese Ghouls. Hindi namen in-eexpect. Mas iaano ko na, huwag namen maliitin yung kalaban,” kuwento niya.

Pangaral daw ni KarlTzy, “Hindi po talaga puwedeng papetiks-petiks lang.”

Credit: MPL Philippines

Bubuksan ng ECHO ang kanilang M4 World Championship kampanya kontra sa matikas na RRQ Hoshi sa Day 2, at ipagpapatuloy ang kanilang tangka makuha ang top spot sa Group C kontra sa Occupy Thrones at RSG SG sa Day 4.

Sundan ang kampanya ng Pinoy teams sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Yawi sa mga bigating kalaban sa M4: ‘Huwag tignan yung pangalan, yung hero lang’