Ang ECHO ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang ikalawang team na nakaselyo ng playoff spot sa MPL Philippines Season 11. Ito ay pagkaraan niyang tulungan ang Purple Orcas walisin ang mapanganib na ONIC Philippines sa gumulong na Week 6 Day 2 bakbakan para ilista ang 22 points.
Pagkaraan ang serye, hinarap ni KarlTzy at ng kaniyang pangkat ang madla para sa post-match interview. Sa naturang panayam naitanong ni Mara Aquino kung papaano niya napapanatili ang kaniyang gutom sa paglalaro.
Ani ng kaisa-isang 2-time M World Series champion, modelo daw niya ang V33Wise duo ng Blacklist International sa aspetong ito.
KarlTzy inaming motivated dahil sa V33Wise
Kuwento ni KarlTzy, inakala daw niya na mauulit ang naganap sa kaniya sa Bren Esports na bigong makalahok sa playoffs sa MPL Philippines matapos makalawit ang tropeyo sa M2 World Championship.
“Siguro po ano rin po, parang mas na-motivate ako. Kasi date, akala ko pag nagchampion na, matic hina na eh,” tugon ng superstar jungler.
Malayo ang kinalalagyan ng 20-anyos ngayon kung ikukumpara sa karanasan kasama ang Bren dahil nanatiling paborito ang kaniyang ECHO na maging kampeon ng Season 11.
Hindi rin itinago ni KarlTzy na malaking dahilan ang paghanga niya sa mga nagawa ng V33Wise duo nina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario kung kaya’t pati siya ay nanatiling determinado sa paglalaro.
“Siguro na-motivate ako sa V33Wise kase parang pinanalo nila lahat eh,” dugtong ng pro.
Mistulang nasa tamang direksyon ang pro dahil sigurado na ang Purple Orcas sa gaganaping playoffs sa susunod na mga linggo. Solido sa second place ang ECHO na may 8-2 kartada sa regular season standings, sa likod lamang ng Bren Esports.
Manatiling nakatutok sa mga kaganapan sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Coach Panda sa performance ng RSG Slate PH sa Week 6: ‘I feel like this week our game is the worst’