Ang M4 World Championship ang ikalawang beses na makakarating si Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa Mobile Legends: Bang Bang world championship. Matapos ang nakamit na tagumpay noong M2 kasama ang Bren Esports, may personal na misyon naman siya kasama ang ECHO sa paparating na event.
Sa M4 send-off press conference, inamin ni KarlTzy na personal goal niya ang maging best jungler sa competitive scene ng MLBB. Mangyayari ito kung matagumpay niyang maihahatid ang ECHO papunta sa pagiging kampeon.
“Yun po, gusto kong patunayan na ano, ako pa rin yung magaling kahit sobrang daming ng ano… nakakasabay,” sabi ni KarlTzy sa press conference. “Pinapahabol ko lang talaga sila,” pabirong pahabol ng jungler.
Bukod pa dito, inamin ng 18-anyos na player na masaya siya dahil sa wakas ay makakapaglaro siyang muli sa world championship. “Masaya po tapos nakaka-excited kasi naka-balik na po.”
Sa M4, unang sasabak si KarlTzy kasama ang ECHO sa Group C kung saan makakaharap nila ang RRQ Hoshi, RSG SG, at Occupy Thrones. Matapos ito ay mahaba pa ang kanilang tatahakin sa playoff upang patunayan na sila ang pinakamahusay sa buong mundo.
Performance ni KarlTzy sa Bren Esports
Nagawa ni Karl sa M2 na patunayang siya ang pinakamagaling. Bilang pagkilala dito, inilabas ng Moonton ang Lancelot Bren Esports skin na hango sa mahusay niyang laro sa kabuuan ng ikalawang MLBB world championship noong 2020.
Dagdag pa sa pagiging kampeon ng M2, nanalo rin siya ng ilang awards. Isa na rito ang pagiging Finals MVP nang matalo ng Bren Esports ang kinatawan ng Myanmar na Burmese Ghouls sa score na 4-3.
At kung pag-uusapan naman ang personal na tagumpay, tanging si Karl lang ang nakakuha ng Savage sa M2. Nagawa niya ito sa group stage laban sa Japanese representative na 10s Gaming Frost, kung saan nakakuha siya ng 13/0/4 KDA gamit ang Lancelot.
Matapos ang ilang pang panahon ng paglalaro para sa Bren ay nagpasya siyang umalis at lumipat sa ECHO noong MPL PH Season 9. Matapos mabigo sa MSC 2022, nagawa ng kanyang bagong team na makapasok sa grand finals ng Season 10 upang makakuha ng spot sa M4.
Marami ang nag-aabang upang makita ang husay na ipapamalas ni KarlTzy sa M4, at kung magiging sapat ito upang mabawi niya ang titulo bilang pinakamahusay na jungler.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ang kathang ito ay isang pagsasalin mula sa orihinal na akda.