Kasado na ang kapana-panabik na banggaan ng matitinik na Pinoy junglers na sina Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno at Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa tapatan ng ECHO at ONIC Esports sa M4 World Championship upper bracket semifinals.
Binansagan noon na “The Present vs The Future”, muling maghaharap ang dalawa matapos ang mahaba-habang panahon. Huli silang naglaban noon pang MPL Philippines Season 9 bago maging kauna-unahang Pinoy import si Kairi sa Indonesia.
Inilahad ni Kairi sa eksklusibong panayam ng ONE Esports na si KarlTzy ang inaabangan niyang makatagpo sa lahat ng junglers sa M4. Ani niya, “Kasi po ‘di ko pa nakikita ‘yung buong potential ni KarlTzy. Siya ‘yung inaabangan kong makalaban kasi feel ko ‘yung mga laro niya sa group stage, ‘di pa ‘yun ang lakas niya talaga.”
Nakausap din ng ONE Esports ang pamosong jungler ng ECHO at tinanong patungkol sa hinihintay na match-up.
Ang palagay ni KarlTzy kay Kairi bago ang kanilang sagupaan sa M4 upper bracket semis
Binigyang-papuri ng M2 World Championship MVP ang ipinapakitang performance ng MPL Indonesia Regular Season at Finals MVP sa tumatakbong torneo sa Jakarta, Indonesia.
“Ang lakas niya ngayon. Siya ‘yung bumubuhat ng team niya kaya kailangan talaga naming paghandaan si Kairi,” wika ni KarlTzy.
Pinangunahan ni Kairi ang 3-0 pangwawalis ng ONIC ID sa Falcon Esports upang umarangkada sa upper bracket. Sa kabilang banda, naiwasan naman nila KarlTzy at ECHO ang tangkang reverse sweep ng Team HAQ para ilista ang 3-2 panalo.
Maiksing mensahe lang ang ipinaabot ng dating Bren Esports star player sa kanyang karibal: “Good luck. Galingan natin parehas.”
Kaabang-abang din kung papakawalan na nila ECHO coaches Archie “Tictac” Reyes at Robert “Trebor” Sanchez ang mga kinatatakutang assassin heroes ng kanilang jungler, partikular na ang kanyang world championship Lancelot, lalo pa’t kilala rin si Kairi sa paggamit ng assassins.
Bagamat nangangati na ang kamay ni KarlTzy na gumamit ng assassins, hindi naman niya pipilitin na magtapat sila ni Kairi gamit ang parehong uri ng hero.
“‘Di naman gusto ko na assassin kami parehas kasi parehas namin gustong manalo eh. Kung ano ‘yung nagwo-work para sa team ‘yun ang gagamitin ko.”
Nakatakdang magdikdikan ang ECHO at ONIC Esports sa isang best-of-5 series sa Tennis Indoor Stadium Senayan mamayang ika-7 ng gabi, oras sa Pilipinas. Ang mananalo ay aabante sa upper bracket finals para kalabanin ang reigning world champ Blacklist International na pinataob ang RRQ Hoshi.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.