Kinalawit ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno katuwang ng kaniyang ECHO ang ikalima nilang tagumpay para manatiling walang galos sa gumugulong na MPL Philippines Season 11 regular season.
Ipinagpatuloy ng Purple Orcas ang kanilang dominasyon sa Land of Dawn nang patumbahin nila ang Nexplay EVOS sa dalawang laro papunta sa ika-apat nilang sweep sa limang larong kinaluhakan.
Sa post-match interview, hindi nagpigil si KarlTzy na sabihin kung sino ang team na sa palagay niya ay makakapagbigay ng hamon sa kanilang tangka na maiuwi ang una nilang title sa MPL PH.
KarlTzy sinabing Bren Esports ang pangunahing katunggali sa MPL PH S11
Simple ang diretso sa punto ang tugon ni KarlTzy kay Mara Aquino nang tanungin ng host ang pro tungkol sa team na tingin niya ay makahahadlang sa kanilang kampanya sa gumugulong na season.
Banggit ng superstar jungler, “Bren po. Win streak po sila eh. Tapos sila yung SEA Games.”
Matatandaan na Bren Esports na dating team na kinabibilangan ng 19-anyos, ang parehong koponan na nagpabagsak sa ECHO sa semifinals ng SIBOL MLBB SEAG Qualifiers bago magsimula ang MPL PH.
Gaya ng team ni KarlTzy, sumasakay din ang Bren sa kanilang momentum kung saan nakakuha na sila ng apat na sunod na tagumpay para buuin ang 4-1 record kontra sa 5-0 ng ECHO.
Bagamat nagapi na nila ang mga pambato ng The Hive ngayong season, sabik pa rin ang pro na masukat ang tunay na tindig ng mga ito. Pasaring ng pro sa mga kaibigan at dating mga kakampi, “Tignan po natin lakas nila.”
Katuwang ng Purple Orcas ang Bren Esports sa ulo ng standings matapos ang Week 3 at muling magtatagpo sa Week 5 Day 2 sa March 18.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: ECHO KarlTzy tinawag na ‘boring’ ang tank Lancelot. Bakit nga ba?