Tagumpay ang ECHO sa muling paghaharap nila ng Blacklist International sa ikalimang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11), kung saan nagulat ang marami nang gumamit si Karl “KarlTzy” Nepomuceno ng Tank-celot.

Maatandaan na naging usap-usapan ang binitawang opinyon ng ECHO jungler patungkol sa sumisikat na meta build. Nagkaroon din siya ng pagkakataon na makatapat sa laban ang nabanggit na jungler build sa kamay nina Dean “Raizen” Sumagui at John Paul “H2wo” Salonga, at sa mga partikular na laban na ito ay nakatanggap ng pagkatalo ang kanyang team.

KarlTzy gumamit ng Tank-celot kontra Blacklist

Credit: MPL Philippines

Labis na ikinatuwa ng mga fans nang i-pick ni Karl si Lancelot, ang hero na nagbigay sakanya ng palayaw na “KarlTusok” noong M2 World Championship, sa kanilang unang game laban sa Blacklist International. Ngunit mas ikinagulat ng lahat nang mapansing tank build ang kanyang gamit sa paboritong hero.

Tinapos ng ECHO ang series sa score na 2-1, kung saan gumamit si Karl ng Tank-celot sa dalawang games na naipanalo nila.

Sa post-match interview, ipinaliwanag ng two-time world champion kung bakit niya ginamit ang build na tinawag niyang “boring”.

“Meta po kasi eh. Kahit naboboringan ako, nagagalit po yung manager namin. Gamitin ko raw,” sabi ni Karl.

Ipinaliwanag din ni Karl ang pinagkaiba ng paggamit ng tank build Lancelot sa scrim at ranked game kumpara sa tournament. “Boring siya sa scrim tsaka sa ranked game, pero sa tournament masayang gamitin,” pagbahagi ng pro player.

Tips ni KalrTzy sa paggamit ng Tank-celot

Credit: Moonton

Sa isang eksklusibong pahayag, nagbahagi si Karl ng ilang tips sa paggamit ng tank build Lancelot. Ayon sa kanya, malaki ang pagkakaiba ng paggamit nito sa tradisyunal na assassin build ng hero.

Aniya, sa kabila ng malaking kakulangan sa damage output ng tank build ay marami itong nagagawa na hindi pwede sa nakasanayan niyang Lancelot build.

“Kapag Tank-celot ka, kulitan mo lang nang sobra, kasi sobrang hirap patayin, ang kunat,” payo niya.

Dagdag pa ng ECHO jungler, dahil mas makunat ay mas malaki rin ang margin for error ng nasabing build at mas malaya kang makapaglibot sa mapa upang kumuha ng objectives.

“Pag normal Lance po kasi, isang mali lang, patay ka na,” pagtatapos ni Karl.

Kasalukuyang nasa ikalawang pwesto sa standings ang ECHO matapos ang Week 5 ng MPL PH Season 11.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.