Kakaibang-lebel ng mechanics at decision-making ang ipinamalas ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno para tulungan ang kaniyang ECHO na iligpit ang matikas na Smart Omega sa inantabayanang matchup sa Week 6 Day 2 ng MPL Philippines Season 10 regular season.

Milagrosong plays sa Julian ang ipinamalas ng ECHO jungler sa opener para baliktarin ang laro para sa kanilang panig. Dito rin bumangko ang koponan para tuluyan ang mga katunggali sa loob lamang ng 11 minuto.


KarlTzy pinatunayan ang husay sa Julian sa dalawang laro kontra OMG

Credit: MPL Philippines

Simula pa lamang ng serye ay busog na ang fans sa palitan ng highlight plays mula sa magkabilang team. Krusyal na team fight win ang nakuha ng OMG sa ika-20 minuto sa magkarugtong na bakbakan sa midlane at red side orange buff kung saan punit ang apat na miyembro ng ECHO liban kay Tristan “Yawi” Cabrera.

Ito ang nagbigay ng green light para mag-martsa ang Barangay sa parehong top at mid lane para sa inaasahang game one panalo. Gayunpaman, sumandal ang Purple Oras sa halimaw na Julian play ni KarlTzy para ibaling ang resulta ng opener.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Habang naka-lock in ang mga miyembro ng OMG sa base ay tumindig ang ECHO jungler na pinatikim ang mga ito ng kati ng kaniyang full combo sa mage. Ang resulta ay Maniac para kay KarlTzy at puwang para magawa ang reverse push sa midlane, at ang tagumpay.

Nagtala ang dating M World Championship MVP ng 12/4/8 KDA papunta sa MVP of the Game award.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Dinala ito ng ECHO sa ikalawang sultada kung saan sa pagkakataong ito ay bumida naman si Yawi sa kaniyang tank Chou. Muli’t-muling binuksan ng roamer ang oportunindad para makakuha ang kaniyang koponan ng key pickoffs papunta sa objective-takes dala ng matalinong hero targeting at positioning.

Inilista ni Yawi ang perpektong 3/0/6 KDA para makalawit ang MVP of the Game gantimpala at matuluyan ang makamandag na kalaban. Samantala, pumukol naman si KarlTzy, muli sa kaniyang Julian, ng kasing-gilas na 7/1/7 KDA.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Dahil dito, mananatili sa upper half ng regular season standings ang ECHO na may 20 points. Mapapatibay din nila ang kanilang pag-asa na maselyo ang spot para sa paparating na playoffs. Samantala, babagsak ang OMG sa 5-5 record na may 15 points.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: ONIC PH pinadapa ang NXPE, mananatiling top contender sa MPL PH S10