Lalong nakalapit si ECHO ace jungler Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno sa kanyang ikalawang kampeonato sa M Series matapos nilang pataubin ang ONIC Esports para umabante sa upper bracket finals ng M4 World Championship.
Matatandaang pinangunahan ni KarlTzy ang Bren Esports patungo sa tuktok ng M2 kung saan siya ang hinirang na Most Valuable Player ng torneo at naging pamoso sa kanyang matinik na paggamit ng Lancelot.
Pero ngayon sa M4, mas mature na ang mentalidad ng dating child prodigy. Ani niya, hindi niya iniintindi ang MVP award o anumang indibidwal na pagkilala sa pinakamalaking Mobile Legends: Bang Bang tournament na gumugulong ngayon sa Jakarta, Indonesia.
‘I’m a team player right now,’ saad ni KarlTzy
Naungusan na ni KarlTzy si Albert “Alberttt” Iskandar ng RRQ Hoshi sa group stage at si Kairi “Kairi” Rayosdelsol ng ONIC Esports sa playoffs. Kaya naman ‘di maiwasan na tanungin kung sa tingin niya ay siya ang pinakamalakas na jungler ngayon sa buong mundo.
Mapagkumbabang sagot ng 18-year-old pro: “I think we’re the best team. I’m a team player right now. So, I don’t care about stats or MVP (award).”
“I’ve been there,” dagdag pa niya.
Mariing pinatunayan ni KarlTzy ang pagiging team player niya sa kanilang serye kontra ONIC. Gumamit lang siya ng utility jungle heroes na Fredrinn (tatlong beses) at Chou (isang beses).
Sa unang dalawang panalo ng ECHO, nagpokus siya sa pagtangke ng damage at pagsiguro ng objectives kaya naman nagtala siya ng sumatotal na 0/5/27 KDA. Sa Game 4 lang siya nakapaglista ng kill (2/2/19 KDA) habang naktutok pa rin sa kanyang trabaho para sa koponan.
Dahil nakasungkit na siya ng kampeonato kasama pa ang MVP award sa world stage at kinilala pa noon bilang pinakamahusay na manlalaro sa mundo, ano pa ang motibasyon ni KarlTzy ngayong M4?
“‘Yung motivation ko lang po mag-champion ‘yung team ta’s pera po,” tugon niya.
Sakaling maghari ang ECHO sa torneo, iuuwi nila ang lion’s share na US$300,000 o PHP 16.5 milyon ng US$800,000 (PHP 43.8 milyon) prize pool. Haharapin nila ang Blacklist International sa isang rematch ng MPL Philippines Season 10 title series mamaya sa upper bracket finals ng M4.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.