Isa nang alamat si Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa mundo ng Mobile Legends: Bang Bang. Kilala siya bilang isa sa mga pinakasikat na players sa eksena, at itinuturing na isa sa pinakamahusay sa bansa.

Naging matunog ang kanyang pangalan noong binitbit niya ang bandera ng Bren Esports. Matapos maging kampeon ng MPL PH S6, nagpakitang gilas rin si Karl sa M2 World Championship at nakuha ang world title. Tinanghal din siyang MVP sa grand finals.

Bren Esports M2

Masasabi ring isa ang jungler sa mga pangunahing dahilan kung bakit nanalo ang SIBOL MLBB National Team noong 2019 Southeast Asian Games.

Sa kanyang paglipat sa ECHO, muling ibinabalik ng SEA Games gold medalist ang husay na ipinamalas niya noong kasagsagan ng Bren. Muli niyang nailabas ang kanyang galing noong MPL PH S10, kung saan inihatid niya ang kanyang team papunta sa grand finals. Bagama’t hindi sila pinalad na manalo, nagawa naman nilang makapasok sa M4, ang pagbabalik ni KarlTzy sa M Series.

Mas mahusay ang ipinapakita ng ECHO sa M4 kumpara sa Blacklist

Sa katatapos lang na M4 group stage, winalis ng ECHO ang Group C at tinapos ang tatlong teams na kasama nila. Walang nagawa ang RRQ Hoshi.

Blacklist International M4
Credit: ONE Esports

Sa kabilang banda naman ay dalawang beses tinalo ang Blacklist International ng Falcon Esports, at halos dikit naman ang kanilang match laban sa Incendio Supremacy. Tila nababasa na ng ibang teams ang diskarteng ginagamit ng Blacklist sa mga nagdaang season.

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, nagsalita si KarlTzy tungkol sa performance ng mga Philippine teams sa M4. Sinabi niya na masyadong abala ang ibang teams sa kakaaral sa strategy ng Blacklist at hindi nila binibigyan ng atensyon ang kapangyarihan na dala ng Orcas.

ECHO M4
Credit: Muhammad Thalhah/ONE Esports

“Parang yung mga teams sa M4 masyadong naka-focus sa Blacklist at hindi nila napapansin yung lakas namin. Kaya mas maganda yung nakuha naming resulta kumpara sa Blacklist sa group stage,” sabi niya.

KarlTzy masayang nagbabalik sa M Series

Bilang dating kampeon ng M Series, iba ang pagkasabik ni Karl sa kanyang pagbabalik sa M4. Marami ang hindi nakapansin nito dahil masyado silang abala sa Blacklist.

Naniniwala rin ang jungler na ang ECHO sa M4 ay kasing lakas ng Bren Esports noong manalo sila sa M2.

KarlTzy ECHO M4
Credit: ONE Esports

“Masaya ako at excited na nakabalik sa M Series, tsaka nakikita ko rin yung passion ng lahat nang kasama ko sa ECHO,” sabi niya.

“Pareho lang yung Bren noong M2 tsaka yung ECHO sa M4. Parehong naging malakas sa tournament yung Bren noon at ECHO ngayon, kaya hindi sila nagkakalayo,” sabi ni Karl.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.