Kakaiba ang gigil ni ECHO star jungler Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno nang harapin nila ang RSG PH sa MPL Philippines Season 10 playoffs.
Pinabagsak nila KarlTzy at mga Orca ang Raiders pababa sa lower bracket sa pamamagitan ng pagpihit ng 3-1 victory sa kanilang upper bracket semifinals match tampok ang isa na namang signature backdoor play.
Sa isang eksklusibong panayam sa ONE Esports Philippines matapos ang kanilang panalo, inilahad ng M2 world champion player kung bakit ganadong-ganado siya na patumbahin ang RSG PH.
Ginawang motibasyon ni KarlTzy si Demonkite sa kanilang tapatan sa MPL PH S10 playoffs
Nakabawi na sa wakas ang ECHO sa RSG PH na dalawang beses silang tinalo sa regular season. Pero bukod sa kanilang regular season matches, ginamit ding motibasyon ni KarlTzy ang ingay sa pagitan nila ni RSG counterpart Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto.
“Ginawa ko pong motivation ‘yung mga sinasabi niya sa’kin kaya nanggigil po ako lalo. Parang binalik niya ulit ‘yung gigil ko,” wika ng 18-year-old pro na tubong Antipolo.
Tumatak umano kay Karl ang pahayag ni Demonkite sa isang post-match press conference patungkol sa kanya matapos ang Week 8 victory ng RSG PH laban sa ECHO. “Pinamukha ko lang sa kanya na hindi siya mananalo sa’kin sa objectives,” ani ni Demonkite nang tangunin tungkol sa tagisan nila ni KarlTzy sa isang Lord fight.
Ngayong nabawian na nila sina Demonkite at RSG PH, nakatuon na si KarlTzy sa kanyang misyon na makabalik sa world stage. Matatandaang parte siya ng Bren Esports na pinagharian ang M2 World Championship kung saan itinanghal siya na Grand Finals MVP.
“Sobra-sobrang gigil ko na po ngayon lalo na tinalo namin ‘yung RSG. May gusto pa ‘kong patunayan lalo.”
Para sa mga balita patungkol sa MPL PH at MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.