Labing-tatlo.

Iyan ang bilang ng laro na kinalahukan ng Cignal Ultra ni Denver “Coach Yeb” Miranda sa MPL Philippines Season 7. At gaya ng lahat ng nauna sa posteng hinawakan ng dating Dota 2 pro, umasa siyang mayayakag niya ang koponan papunta sa dati nitong katanyagan. Gayunpaman, malayo ang katotohanang bumungad kay Coach Yeb.

Labing-tatlo.

Iyan ang bilang ng laro na nagapi ang Cignal Ultra sa kanilang kampanya sa nasabing season, taliwas sa inasahan ng esports pro na kalalabasan ng kaniyang sophomore season bilang coach sa MPL.

Credit: ONE Esports

Ngayong nasa rurok na ng Mobile Legends eksena ang beteranong coach, nagbalik-tanaw siya sa masalimuot ngunit mahalagang karanasan, at kung paano ito nakatulong sa kaniya para makamit ang tinatamasang tagumpay ngayon.


Sinandalan ni Coach Yeb ang pagkabigo kasama ang Cignal Ultra para maibaling ang coaching career

Sa isang episode ng ONE v ONE with the Great one hatid ng ONE Esports Philippines, hindi itinago ng ONIC Esports coach kung gaano kalaki ang impluwensiya ng kaniyang karanasan sa Cignal Ultra sa para makamit ang kinalalagyan niya ngayon.

Credit: ONE Esports

Pag-aamin ni Coach Yeb, “Noong Cignal Ultra pa lang ako, sobrang perfectionist ko, sobrang OC ko. Yung lagapak ko ‘non, sobrang lala. Kasi trinatry ko i-solve lahat eh. Kaso sobrang dami niya, hindi ko na kaya. Hindi ko na alam sa mga panahong ‘yon kung anong gagawin.”

Malaking rason daw ito kung bakit ganoon na lamang gumulong ang kanilang kampanya sa Season 7. Masalimuot ang kinaharap ng team na bigong makakuha ng kahit isang panalo sa 13 games na nilaro.

Pagtutuloy pa niya, “‘Pag natatalo yung team ko, hindi ako nagtuturo ng kasalanan ng player. So titignan ko yung sarili ko. Kung mas magaling akong coach noon, hindi siya ganoon. Kung mas natulungan ko yung batang ‘to, hindi siya ganoon.”

Binaon ni Coach Yeb ang ganitong sistema hanggang ngayon, kung saan salungat sa pinagmulan ang estado ng kaniyang karera, at isa na siya sa mga tinitingalang coaches sa mundo ng Mobile Legends. Kaya naman ang MPL champion coach, malaki ang pasasalamat sa delubyong dinaanan.

“Thankful ako sa experience na ‘yon lalo na sa mga players ko. Kasi kung hindi dahil sa kanila, kung hindi ko na-experience ‘yon, hindi ko matutunan yung kung ano yung dapat kong gawin.”

Pagbubuod ni Yeba, “So yung sakit na yun, malaking bagay sa pagbangon ko.”


Natikman ni Coach Yeb ang tamis ng tagumpay sa ilalim ng bandera ng ONIC

Credit: Moonton

Bukod sa mahalagang aral na napulot sa malubak na sophomore season bilang coach, naging udyok daw ang pagkabigo niya sa S7 para pagbutihing maigi ang sumunod na kabanata ng kaniyang karera kasama naman ang ONIC Philippines.

Kuwento niya, “Kasi pag nag-fail ulit ako doon, parang, alam mo naman sa esports, results lang tinitignan.” Masasabi daw niya na isang “blessing” na may interesado pang teams na lumapit sa kaniya para sa coaching job.

Sa ONIC PH, nahanap ni Coach Yeb ang mga piyesang kinakailangan para makalapit sa inaasam na tagumpay. Pasabog ang naging kampanya ng Yellow Hedgehog team ng Pilipinas sa MPL PH Season 8 kung saan inilabas niya ang tunay na kamandag ng kaniyang players tulad nina Kairi “Kairi” Rayosdelsol, Gerald “Dlar” Trinchera at Allen “Baloyskie” Baloy.

Credit: Moonton

May puntong ang ONIC PH lamang ni Coach Yeb ang inasahang maglalagay sa desimuladong Blacklist International sa panganib. Bagamat kinapos sa grand finals ng S8, gayundin sa pinakamalaking entablado sa M3 World Championship, ang mga kampanyang ito ang nagpaingay sa kaniyang pangalan at nagpausbong ng respeto sa kaniyang kakayahan bilang utak ng isang team.

Ang kakayahang ito ang naglagay sa kaniya sa sentro ng isa sa pinakamalaking offseason moves na ginawa bago gumulong ang MPL ID Season 10. Kahit pa kinapos sa playoff run noong MPL PH Season 9, tinawag ng tadhana si Coach Yeb sa kabilang ibayo para pangunahan naman ang mother organisation na ONIC Esports katuwang ang kaniyang jungler na si Kairi sa MPL ID.

Credit: ONE Esports

Hindi binigo ng beteranong coach ang fans ng ONIC brand dahil tropeyo agad ng MPL ID ang inihandog niya sa mga ito. Sa kasalukuyan, nabibilang si Coach Yeb sa mga piling Filipino coaches na nakahanap ng tagumpay sa loob at labas ng rehiyon.

At sa kaniyang tangka na ipagpatuloy ang tagumpay na natatamasa, patuloy na pinapaalala ni Coach Yeb sa kaniyang sarili ang mahalagang aral na napulot mula sa maagang kabiguan. “Marami ka namang makukuhang failures sa buhay mo eh, pero ang okay doon, yung pagbangon.”

Credit: Coach Yeb

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa marami pang MLBB content.

BASAHIN: 2 MPL ID S10 roamers na hinahangaan ni Baloyskie