Pagkaraan ang dismayadong resulta kontra ECHO sa gumulong na M4 World Championship Upper Bracket Semifinals, naipasan kay Kairi “Kairi” Raysodelsol ang mabigat na responsibilidad na imaneho ang kaniyang ONIC Esports sa malubak na daan ng Lower Bracket.

At sa unang hakbang ng Pinoy jungler sa matarik na kumpetisyon, hindi bigo ang umasang mga miron.

Credit: Moonton

Ito ay pagkaraang pangunahan ni Kairi ang ONIC Esports sa 3-1 demolisyon kontra sa The Valley ni Michael “MobaZane” Cosgun upang maipagpatuloy ang kanilang kampanya para sa kampeonato ng M4.


Kairi, ONIC Esports ibinaon sa limot ang The Valley sa 3-1 tambakan

Mistulang magpapatuloy ang dismaya para sa hanay ng Yellow Hedgehogs nang makuha ng The Valley ang unang mapa sa likod ng Barats ni MobaZane.

Credit: Moonton

Ngunit, ito na pala ang huling tagumpay na matitikman ng mga Amerikano sa inantabayanang serye.

Dumagundong ang Tennis Indoor Stadium Senayan sa sigawan at palakpakan pagkaraang makumpleto ng ONIC Esports ang split push play sa ika-21 minuto para sa tagumpay sa game two.

Henyo ang ginawang positioning ni Kairi at ng kaniyang mga kasamahan sa paligid ng Enhanced Lord para mabigyang-puwang ang Moskov ni Calvin “CW” Winata sa top lane, na sa mga sumunod na sandali ay hindi tinantanan ang base ng NACT representatives para gawing best-of-three ang serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat hinirang na MVP si CW, sentro ang Karina ng Pinoy na pumukol ng dambuhalang statline na 6/1/12 KDA.

Gayundin ang naganap sa game three kung saan muli’t-muling nahanap ng ONIC ang value trades para maangatan ang kalaban sa mid game.

Hindi na nagawang mapurnada ng The Valley ang arangkada ng MPL ID Season 10 Champions na sumandal sa malikot na Ling ni Kairi na pinutol ang wave flow ng kalaban, at sa makating damage na pinakawalan ni CW sa team fights hawak ang Beatrix.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Parehong nagtala ng 4/1/5 KDA line ang dalawang cores ng Yellow Hedgehog team para isardo ang laro sa ika-16 minuto.


Credit: Moonton

Inasahan nang magpapamangha si Kairi sa mga unang laro hawak ang comfort picks na Karina at Ling, ngunit tunay na pinanganga ng Sky King ang mundo ng Mobile Legends nang hawakan niya ang Lunox sa jungle sa game four.

Wasak ang pangarap ng The Valley sa mage core ng ONIC na pinutakte ang EXP lane ni Ian “FwydChickn” Hohl (Gloo) para sa early kills at dominahin ang early game objectives, bago tuluyang magwala sa mid game at isarado ang serye sa ika-17 minuto na may 19-3 kill score tambakan.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa tagumpay, maikakasa ng ONIC Esports ang Lower Bracket showdown kasama ang kapwa Indonesian team RRQ Hoshi para sa replay ng MPL ID Season 10 Grand Finals.

Sundan ang pinakahuling balita sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Ito ang paliwanag ni RRQ Coach Arcadia kung bakit hindi nila binan ang Estes ng Blacklist