Pagkaraang muli’t-muli na magpamangha sa magigilas niyang performances sa matarik na kumpetisyon, magtatapos na ang kampanya ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa M4 World Championship.

Dumating ito pagkatapos sagasaan ng RRQ Hoshi ang kaniyang ONIC Esports, 3-0, sa inantabayanang replay ng MPL Indonesia Season 10 Grand Finals sa Lower Bracket semifinals.


Kairi, ONIC Esports kinulang kontra RRQ Hoshi

Credit: Moonton

Sinubukang sandalan ng mga kampeon ng MPL ID ang pamosong Hayabusa ni Kairi sa pag-asang malulusutan nila ang RRQ Hoshi sa unang mapa. Bagamat nasaksihan ng mga miron kung bakit kinatatakutan ang kaniyang assassin hero ay bigo ang ONIC na mapigilan ang dambuhalang Beatrix ni Schevenko “Skylar” Tendean.

Kumana ng 17 kills at 7 assists kontra 2 deaths ang RRQ gold laner para maagang makuha ang momentum para sa panig ng King of Kings. Samantala, disenteng 7/4/6 KDA naman ang itinala ng Pinoy jungler sa kabuuan ng laro.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bumangko muli ang ONIC sa assassin pick ng kanilang superstar pagdako ng game two, ngunit nahanap ng RRQ ang sagot sa kaniyang Fanny sa pamamagitan ng pagkuha sa tanky composition na binuo ng Hilda sa roam, Terizla sa EXP katuwang pa ng Baxia para kay Albert “Alberttt” Iskandar.

Pruweba ang 1/2/2 KDA line ni Kairi sa kabiguan ng Yellow Hedgehogs na mapagana ang early game atake, habang ang hero ni Alberttt ay naghari sa jungle papunta sa perpektong 4/0/8 KDA line at MVP gantimpala.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pumalag ang ONIC sa game three nang ipahawak nila sa kanilang jungler ang Akai na tumindig sa pick off composition ng kalabang team. Gayunpaman, timbog ang MPL ID Season 10 champions sa tusong initiations ni Calvin “Vyn” sa Kaja na tinarget ang Melissa ni Calvin “CW” Winata.

Hindi sapat ang pagtatangke ni Kairi ng halos 207k damage mula sa RRQ para matagpuan ng kaniyang damage dealers ang key targets. Sa pagkatalo, matutuldukan na ang kampaniya ng Pinoy jungler sa M4.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Samantala, tutulak ang natitirang Indonesian team sa Lower Bracket finals kung saan susubukan nilang makatawid kontra ECHO.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ito ang paliwanag ni RRQ Coach Arcadia kung bakit hindi nila binan ang Estes ng Blacklist